top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga hirap makahanap ng trabaho, pasok sa livelihood program

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 3, 2023
1 min read

@Editorial | June 3, 2023


Magandang balita para sa mga hirap makahanap ng trabaho o walang sapat na kakayahan para magkaroon ng mapagkakakitaan.


Lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Social Welfare And Development (DSWD) at Technical Education Skills Development Authority (TESDA) para sa livelihood program ng mga nasa marginalized sector.


Layon ng naturang MOA na magkaroon ng technical vocational skills na ipo-provide ng TESDA sa mga 4Ps beneficiaries ng DSWD na magpapaangat ng antas ng kanilang kakayahan at magkaroon ng karagdagang kaalaman na magagamit sa kanilang hanapbuhay.


Tiniyak ng TESDA na makaaasa ang DSWD sa pagbibigay ng livelihood assistance at skills na magagamit sa paghahanap ng trabaho at kabuhayan ng mga mahihirap.


Totoong malaki ang maitutulong ng naturang partnership upang maipatupad ang Social Equity for Workforce Inclusion and Poverty Reduction sa ating bansa. Batid naman natin na likas na sa mga Pinoy ang pagiging matiyaga at masikap sadyang kapos lang sa suporta at pagkakataon.


Kapag nailarga ang programa, maraming pamilya ang mabibigyan ng pagkakataon na kumita at masuportahan ang mga pangangailangan. Malaki ang posibilidad na hindi na nila kailanganin ang ayuda mula sa gobyerno.


Ito ang isa sa mga programa na dapat ay pinagtutuunan ng pansin ng kinauukulan.


Maraming hirap makahanap ng trabaho dahil hindi nakapagtapos sa pag-aaral o walang kakayahan para makapasok sa isang trabaho. Ilan lamang ito sa mga hadlang para mapabuti ang kanilang kalagayan sa buhay na puwede naman pa lang magawan ng paraan kung pagsusumikapan.


Sana magtuluy-tuloy ang programa at marami ang matulungan para rin sa ikauunlad ng bayan.


Ayos lang ang ayuda pero mas okay ang pangmatagalang solusyon sa problema sa kahirapan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page