top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga hakbang vs. text scam, epektib ba talaga?

BULGAR
Sep 2, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 2, 2022


Isa ka ba sa mga patuloy na nakakatanggap ng text messages na nag-aalok ng trabaho o kaya naman, ikaw ay nanalo umano sa raffle?


Bagama’t alam ng marami sa atin na ito’y scam o panloloko at hindi dapat paniwalaan, may mangilan-ngilan pa ring nabibiktima, bagay na naging problema na.


Kamakailan, kaliwa’t kanan ang reklamo hinggil sa tila walang humpay na pagdami ng spam at phishing messages.


Ito ang dahilan kaya pinakikilos ng isang senador ang National Telecommunications (NTC) na imbestigahan ang nakakabahalang dami ng naturang text messages. Isa sa mga inaalala ng senador ay kung paano nakukuha ng mga scammer ang buong pangalan ng mga recipient.


Tulad ng senador, ito rin ang nais ng isang grupo na Digital Pinoys, kung saan gusto nilang maimbestigahan ang mga lokal na kumpanya na nangongolekta ng mga pangalan at iba pang personal na impormasyon kung naibebenta ba ang mga naturang datos.


Binigyang-diin pa ng grupo na kailangang mabigyan ng katiyakan ang publiko na ligtas ang kanilang mga personal na impormasyon at dapat maimbestigahan ang mga nasa likod nito.


Matatandaang naglabas ng memorandum ang NTC noong Agosto 26, kung saan hiniling sa telco companies na mag-text blast sa mga subscriber ng advisory laban sa mga text scam. Inatasan din ng komisyon ang mga regional directors at officers-in-charge na lumabas sa local TV at radio stations upang bigyang-babala ang publiko laban sa naturang scam mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6.


Bagama’t kumikilos ang komisyon, ang tanong, epektibo pa ba ang mga hakbang na ito?

Habang batid nating ginagawa ng NTC ang kanilang makakaya, baka panahon na para mag-isip ng mga bagong paraan upang mapigilan ang naturang scam. Isa pa, kailangang seryosohin ang isyung ito dahil posible itong pagmulan ng iba pang mga problema.


Tungkulin nating matiyak na nabibigyan ng karampatang proteksyon ang ating mga kababayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page