top of page

Mga gov’t. contractor na magdo-donate sa kandidato, dapat parusahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 15, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang pagbabawal sa mga government contractor na magbigay ng campaign funds ay maliwanag sa ating batas, subalit tila matagal nang nababalewala. 


Sa kabila ng malinaw na probisyon sa Omnibus Election Code, paulit-ulit pa rin itong nalalabag, at kadalasan sa kanila ay may makapangyarihan at koneksyon pa sa malalaking proyekto ng pamahalaan. 


Ang kamakailang isyu na kinasasangkutan ng ilang kilalang contractor at pulitiko ay nagpapakita na ang problema ay hindi lamang sa mga piling indibidwal, kundi lumalabas sa mismong sistema ng pamamahala ng pondo at proyekto. 


Kaya naman nagpahayag ang Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal ang pagbibigay ng kontribusyon ng mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno sa mga kandidato, alinsunod sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code. Ang paglabag dito ay isang election offense na may kaparusahan mula isa hanggang anim na taong pagkakakulong, kanselasyon ng business permit. Lumabas ang pahayag na ito kasunod ng isyu sa P545 bilyong flood control projects kung saan 20% ng kabuuang pondo ay napunta sa iilang contractor. 


Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., limang kumpanya ang may proyekto at halos sa lahat ng rehiyon. Nananatili namang malinaw na sa ilalim ng ating batas, bawal tumanggap ng pondo mula sa mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno, kahit pa matagal nang kaibigan ang may-ari nito. 


Iginiit din ng veteran election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal at mismong si Comelec Chairman George Garcia na maliwanag ang probisyon, walang indibidwal o korporasyon na may kontrata sa gobyerno ang maaaring magbigay ng kontribusyon sa kandidato, direkta man o hindi. 


Kung tutuusin, ang usaping ito ay tumatalakay sa mas malalim na problema ng political patronage sa bansa. Ang mga kontrata sa malalaking imprastruktura ay nagiging instrumento hindi lang para sa kaunlaran pero kung minsan ay para rin sa political survival ng iilang tao. 


Sa tuwing nagkakaroon ng koneksyon ang campaign funding sa government projects, lumalabo ang ugnayan sa serbisyo-publiko habang namamayani ang pansariling interes. 


Kung seryoso ang gobyerno sa paglaban sa korupsiyon, kailangang ipatupad ang batas nang walang pinapaboran. Hindi sapat ang pahayag lamang, kailangang may malinaw na aksyon, imbestigasyon, at parusa sa mga lumalabag. 


At ang pagpapabaya rito ay maituturing na direktang banta sa tiwala ng publiko sa halalan at pamahalaan. 


Bilang mamamayan, responsibilidad nating bantayan at singilin ang mga opisyal na ating inihahalal. Kung patuloy nating palalampasin ang ganitong uri ng koneksyon sa pulitika at negosyo, hindi kailanman magiging patas ang sistema at pamamahala sa bansa. Ang batas ay ginawa para sundin, hindi para lampasan sa ngalan ng pagkakaibigan o impluwensya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page