Mga gambling lords, wa' paki sa bagong PNP Chief, tuloy pa rin ang raket!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 8, 2022
ANONG HISTORY KAYA ANG GUSTONG ITURO SA ISKUL NI SEN. ROBIN, HISTORY NA GALING SA MGA HISTORYADOR O "HISTORY" NA HANGO SA MAID IN MALACANANG?—Nais ni Sen. Robin Padilla na ibalik ang pagtuturo ng Philippine history sa high school curriculum.
Ano kayang Philippine history ang tinutukoy ni Sen. Robin, history na mula sa mga historyador o "history" na hango sa pelikulang Maid in Malacanang?
◘◘◘
TIYAK NA SAKIT SA ULO NI P-BBM ANG MALAKING UTANG NA INIWAN NI DIGONG—Hindi man aminin, tiyak na sumasakit ang ulo ni P-BBM sa laki ng utang-panlabas ng Pilipinas na iniwan sa kanya ng Duterte administration kasi kailangan talagang magdagdag-tax ang pamahalaan para kahit pautay-utay ay mabayaran ang iniwang utang ni ex-P-Duterte.
Kung nagkataon na hindi magkakampi sina P-BBM at Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio, malamang ay binatikos na ni P-BBM si Digong.
◘◘◘
GAMBLING LORDS NG QC, HINDI NAGPATINAG KAHIT MAY BAGONG PNP CHIEF NA—Kahit may bagong PNP chief na sa katauhan ni Gen. Rodolfo Azurin ay hindi nagpatinag ang mga gambling lords ng Quezon City, hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang color games at drop balls operations nina alyas Roy sa Cubao; at alyas Jun Mistika sa Bgy. Bartolome, Holy Spirit at Quirino Highway, Novaliches.
Dapat ipadakma na agad nina Cubao Police Station 7 Commander, Col. Elizabeth Jasmin, Holy Spirit Police Station 14 Commander, Col. Jeffrey Bilaro at Novaliches Police Station 4 Commander, Col. Richard Ang ang mga gambling lord na ito sa kanilang jurisdiction kasi kapag nalaman ni PNP chief Gen. Azurin na may mga ilegalistang nangraraket sa kanilang mga nasasakupan ay baka sibak abutin nila sa bagong chief PNP.





Comments