top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga front at kakutsaba ng mga ismagler sa bansa, panahon na para hubaran ng makapal na “face shield”

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 23, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | March 23, 2021



Aabot sa mahigit 50 milyong Pinoy ang natuklasang walang maayos na supply ng pagkain.


Pero, ang Indonesia na may mahigit 200 milyong populasyon, iniulat na 18 milyong mamamayan lamang ang walang maayos na “food access”!


◘◘◘


PINALALA ito ng pamemeste ng African Swine Fever kung saan nalipol ang mga baboy.

Nakapagtataka namang nawala rin ang supply ng manok.


Lumobo ang presyo ng karne ng baboy at manok sa merkado sa gitna ng krisis sa ekonomiya—kung saan walang trabaho ang mga obrero at nagsarado ang mga negosyo!


◘◘◘


IPINATUPAD naman ng gobyerno ang malayang importasyon ng karne ng baboy at manok.


Pero, natuklasan na ang importasyon ng karne ay batbat ng korupsiyon kaya’t itinakda ang Senate hearing para mailantad ang mga kabulastugan!


◘◘◘


TALAMAK ang korupsiyon sa importasyon ng karne kaya’t pinagtibay ang resolusyon sa Senado na magsasagawa ng imbestigasyon ang Committee of the Whole imbes na ang ordinaryong komite lamang.


Pamumunuan ang Committee of the Whole ng mismong Senate President na si Sen. Vicente “Tito” Sotto kung saan awtomatikong kasama ang lahat ng senador!


◘◘◘


ISINASAGAWA ang Committee of the Whole sa iilang maseselang isyu upang matalakay nang todo ang bawat anggulo ng sitwasyon.


Hindi ordinaryo ang imbestigasyon sa importasyon ng karne kaya’t kailangang bihasa ang presiding officer upang maipokus ang pagtalakay sa espesipikong agenda!


◘◘◘


TALIWAS sa ordinaryong komite sa Senado na iilan lamang ang miyembro na pinamumunuan ng traditional committee chairman.


Higit na matatalakay nang todo ang isyu dahil kasali ang lahat ng mga miyembro ng Senado at aaktong presiding officer ang Senate president na beterano sa pangangasiwa ng mga pulong at imbestigasyon!


◘◘◘


KARANIWANG magulo at masigalot ang mga pagdinig lalo sa committee level kaya’t hindi nakapagpopokus sa aktuwal na isyu ang mga miyembro nito.


Pero sa committee of the whole, hindi makakatakas ang mga resource person dahil beterano at bihasa sa sistema ng deliberasyon ang Senate president na awtomatikong presiding officer!


◘◘◘


MISTULANG plenary session ang magaganap, pero ang committee of the whole ay popokus lamang sa detalye at iisang agenda.


Ang agenda ito ay gumagrabeng korupsiyon sa pag-angat ng karne na pinangangasiwaan ng Department of Agriculture!


◘◘◘


INAASAHANG mahuhubaran ng maskara kung sino-sino ang sangkot sa “tongpats” kung saan nawawalan ang gobyerno ng bilyun-bilyong pisong buwis sa gitna ng pandemic.


Kumbaga, kailangang mahubaran ng makapal na “face shield” ang mga front at kakutsaba ng mga pusakal na ismagler sa ating bansa!


◘◘◘


MALAKING paghamon ito sa liderato at kakayahan ni Sen. Sotto na pataasin at magkaroon ng mabusising imbestigasyon sa importasyon ng karne.


Ito rin ay para kumalma ang nagugutom na Pinoy na biktima ng talamak na korupsiyon sa pamahalaan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page