top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga fixer sa socmed, 'wag tangkilikin para hindi mabiktima

BULGAR
Oct 25, 2022
2 min read

@Editorial | October 25, 2022


Kapansin-pansin ang pagdami ng mga fixer sa social media.


Maraming post na nag-aalok na maglakad ng lisensya, permit, ID at iba pa.


Ang sistema, kahit sa chat lang, sabay bigay ng impormasyon at padala ng bayad, solb na ang kailangang dokumento. Ang tanong, legit ba?


Kaya patuloy ang paalala ng mga ahensya ng gobyerno sa publiko na huwag tangkilikin ang mga alok na serbisyo ng mga fixer sa social media.


Alalahanin natin, hindi lang mga fixer ang puwedeng maparusahan, kundi maging ang mga tumatangkilik sa kanilang serbisyo.


Dahil hindi masisiguro kung lehitimo ang makukuhang dokumento, puwedeng mabiktima ng pamemeke. Halimbawa, sa kagustuhang mapabilis ang pagkakaroon ng lisensya, nagpalakad na lang sa fixer, eh, nahuli at buking na peke ang pinagawa, multang P3,000 ang kahaharapin at hindi na rin papayagang makakuha ng tunay na driver’s license o makakapagmaneho sa loob ng isang taon. Akala mo nakatipid ka na, 'yun pala mas napagastos at naparusahan ka pa.


Sa kabilang banda, ang madalas ngang rason ng mga lumalapit sa fixer ay dahil matagal daw makakuha sa mismong ahensya. Mahabang pila, maraming proseso at may pagkakataon na kulang ang isang araw. Hindi raw puwedeng wala kang extra budget at oras sa paglalakad.


Siguro noong mga nagdaang taon, eh, talagang pahirapan ang pagkuha ng mga government documents, pero masasabing naging mas maayos naman na sa ngayon. May mga nabago na rin sa sistema dahil may online na. Kailangan lang siguro na maging mas mabilis pa ang transaksyon at magabayan ang publiko sa mga bagong proseso.


Huwag nating hayaang tayo pa mismo ang lumalapit sa mga mang-aabuso sa atin. Nagkalat ang mga manloloko, lalo na online, piliin natin ang tama kung saan magiging maayos ang lahat.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page