top of page

Mga expressway user na walang plaka, sampulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 18, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 18, 2024


Boses by Ryan Sison

Babala sa mga expressway user na walang plaka o iyong mga gumagamit ng temporary o improvised plate.


Nagsimula na kasing maglabas ng warning ang Land Transportation Office (LTO) hinggil dito bilang paghahanda nila sa nakaplanong pagpapatupad ng barrier-free tollway system bago matapos ang taon. 


Layon anila ng gobyerno na pabilisin ang daloy ng trapiko sa mga expressway sa pamamagitan ng direktiba sa mga toll operator na tanggalin ang mga barrier sa mga toll gate, at kalaunan ay tuluyang alisin ang mga toll booth.


Gayunman, ayon sa LTO, sa loob lamang ng isang oras ay nakapagtala na sila ng mahigit 100 na mga pasaway na motorista na dumaan sa Skyway Del Monte Toll Plaza sa Quezon City.


Paliwanag ni LTO Chief Vigor Mendoza, ang plaka ang nagiging identification ng sasakyan. Kung hindi nila matutukoy ang sasakyan at barrier-less na paano aniya maipapatupad nang maayos ang barrier-less tollway system, gayundin, paano kung hindi magbayad at may magpasaway sa loob ng expressway. 


Sinabi rin ni Mendoza na wala nang dahilan ang mga motorista para hindi magkaroon ng permanent license plates dahil natugunan na ng LTO ang backlog nito para sa mga plaka ng mga sasakyan. Giit ng opisyal, wala nang kulang na plaka dahil nakapag-imbentaryo na sila habang lahat ng plaka ay nasa dealer na. Ang kailangan lamang ng mga motorista ay tawagan ang kanilang mga dealer.   


Dagdag niya, ang permanent license plate ang magsisilbing basehan para mahabol ng mga otoridad at toll operators ang mga hindi makakabayad at hindi makakasunod sa panuntunan sa barrier-free toll system. 


Maraming motorista ang pabor sa barrier-free system. Ilan sa kanila ang nagsabing makakatulong talaga ito dahil kadalasan ay sa mga toll gate nagkakaroon ng bottleneck ng trapik. May iba na nagnanais na maipatupad na ito agad dahil sa oras ang binibilang nila makalabas lamang sila sa mga toll gate ng expressway.


Ayon sa LTO, kasalukuyan sila nagsasagawa ng mga coordination meeting kasama ang mga toll operator at ang Toll Regulatory Board (TRB) para makamit ang target na implementasyon ng barrier-free toll roads system bago ang inaasahang Christmas rush.


Para sa ating mga kababayan, mas mabuting siguraduhin natin na mayroon na tayong permanent license plate bago bumiyahe at pumasok sa mga expressway.


Nag-isyu na ng warning sa lahat ng motorista at natugunan na rin ang mga backlog sa mga plaka kaya naman pairalin natin ang pagsunod sa kinauukulan nang sa gayon ay maging maayos anumang oras ang ating pagbiyahe. 


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page