Mga estudyante maging alerto, ‘wag magpabiktima sa Budol-Budol Gang
- BULGAR

- Jul 29, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 29, 2024

Nagkalat na naman ang mga masasamang-loob at ang kanilang target ngayon ay mga estudyante.
Kamakailan kasi ay may mga naaresto na Budol-Budol Gang na nambibiktima ng mga estudyante.
Napag-alaman pa na ang modus operandi ng mga suspek ay iinterbyuhin kunwari ang kanilang biktimang estudyante at may lalapit pa na ibang kasamahan para takutin at kuhanan ang biktima ng mahahalagang gamit partikular na ang cellphone at ATM na hihingiin ang PIN.
Kaya naman, pinayuhan ang mga estudyante na maging maingat sa mga ganitong modus upang hindi mabiktima.
Mahalaga rin ang pagbibigay kaalaman sa mga estudyante tungkol sa tamang paraan ng pakikitungo sa mga estranghero, lalo na sa mga hindi kilalang tao na bigla na lamang lalapit sa kanila.
Dapat tandaan na ang mga tunay na kaibigan at kapamilya lamang ang karaniwang may alam sa ating mga personal na detalye, at dapat ay magdoble-ingat kapag may mga nag-aalok ng tulong o negosyo na akala mo ay totoo.
Ang pagiging maalam at alerto ay ang unang hakbang upang maiwasan ang mabiktima ng budol-budol gang.
Panawagan naman sa kinauukulan, sugpuin agad ang ganitong klaseng gawin upang wala nang mabiktima pa at hindi magdulot ng takot sa mga estudyante.
Sa huli, ang kaligtasan nating lahat, hindi lamang sa mga estudyante ay nakasalalay hindi lamang sa ating pag-iingat kundi sa ating sama-samang pagkilos upang protektahan ang ating mga sarili laban sa masasamang-loob.



Comments