Mga ‘epalitiko’, bawal sa evacuation center
@Editorial | June 25, 2023
Nagpaparamdam na ang mga naghahangad na tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa social media.
Kani-kanyang gimik kung paano magpapakilala at magpapa-pogi para iboto, kahit ilang buwan pa bago ang halalan.
Bukod sa socmed, isa pa sa dapat bantayan mula sa mga ‘epalitiko’ o epal na pulitiko ay ang mga evacuation center at iba pang lugar kung saan may mga nangangailangan na hinahatiran ng tulong.
Una nang nagbabala ang isang election watchdog laban sa ilang pulitiko na sinasamantala ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon para maagang mangampanya.
Kailangang maging mas mapagmatyag dahil sa posibilidad na magkaroon ng premature campaigning para sa papalapit na BSKE sa Oktubre.
Wala namang problema sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente, pero ang maghangad na gamitin ang sitwasyon sa pamumulitika, ‘yun ang nakakadismaya.
Kung talagang gustong tumulong, hindi na kailangan na lagyan ng pangalan o piktyur ang mga ipinamimigay na relief goods o may pa-tarpaulin pa, ganyan ang galawang trapo.
Sa mga evacuees na makakasaksi sa istayl bulok na mga pulitiko, dedmahin sila at puwede ring ipagbigay-alam sa kinauukulan para hindi na makaporma sa eleksyon.
Muli, sa mga gustong maglingkod kuno sa publiko, magkaroon sana kayo ng delicadeza.
Tapos na ang mga panahon na nakakapambola kayo ng mamamayan, huwag nang epal.



Comments