Mga edad 56, para magka-discount, hirit ng maging senior citizen
- BULGAR
- Feb 29, 2024
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 29, 2024
Matapos maaprubahan ang Centenarian Law, isinusulong na rin ang Expanded Senior Citizens Act.
Sa ilalim ng panukala, inihihirit na ibaba sa 56 na taong gulang ang mga itinuturing na senior citizens na awtomatikong makakatanggap ng discounts at iba pang benepisyo.
At ang mga sasapit sa edad na 56 ay magkakaroon ng opsyon na magretiro na at hindi na kailangang maghintay ng 60 taong gulang.
Kung magiging batas, ang mga 56-anyos ay maaari umanong makatanggap ng 10% discount samantalang mananatili sa 20% discount ang mga 60 taong gulang pataas.
Sa pamamagitan ng panukalang batas, mas maaga at mahabang panahon na mapapakinabangan ng mga nakatatanda ang mga benepisyo. Bukod sa mga discount sa pangunahing bilihin at serbisyo, makapagbibigay din ng katuwaan ang mga pa-birthday gift, libreng sine at iba pang libangan para sa mga senior.
Ang pakiusap lang, sakaling makalusot din ang Expanded Senior Citizens Act, huwag naman sanang abusuhin ang discount privilege, ibig sabihin, kung hindi naman talaga senior ang kumonsumo ng produkto o serbisyo, huwag gamitin ang senior ID. Unawain din natin ang mga negosyo na nag-aambag para makatulong sa mga matatanda.
Masasabing maganda ang layunin ng panukalang ibaba sa 56 ang edad para sa senior, maigsi lang ang buhay, nagkalat na ang mga sakit, sinasabing pahirapan nang umabot sa 60, kaya mainam na ibigay na ang kayang ibigay sa ating mga magulang, lolo’t lola. Pero, siyempre, dapat ding tiyakin muna kung kakayanin ba ng gobyerno at ng mga negosyante ang ibibigay na diskwento at pribilehiyo.



Comments