top of page
Search
  • BULGAR

Mga drug smuggler, ilantad

@Editorial | October 11, 2023


Umabot umano sa P30 bilyon ang halaga ng ilegal na droga na nasamsam ng mga awtoridad sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa pagpapatuloy ng inquiry sa ikinasang P6.5 billion drug bust noong Oktubre 2022 sa Maynila, iniulat na mula sa nasabat na P30 bilyong halaga ng ilegal na droga, 4.4 tonelada ang shabu at halos 3 tonelada ang pinatuyong dahon ng marijuana.

Kabilang din sa tatlong magkakasunod na drug buy-bust operation ay ang 200 kilos ng shabu sa Mabalacat, Pampanga; 560 kilos ng shabu sa Mexico, Pampanga, at 323 kilos ng shabu na isinilid sa isang imported beef mula Mexico.

Sinasabing ang halagang ito ay kayang pondohan ang isang presidential campaign at panalo ng drug lords sa political arena.

Matapos na masamsam ang bulto ng ilegal na droga, umaasa tayo na sunod ding malalantad ang mga smuggler na talagang mapamaraan at walang takot. Hindi lang mga nagpupuslit ang dapat mapanagot kundi maging ang mga posibleng tumutulong sa kanila sa shipment.


Grabe na ang pagkalat ng drugs, araw-araw ay may mga nahuhuling tulak at gumagamit. Kapag hinayaan na tuluyang dumami ang mga lulong, tiyak na tataas din ang bilang ng mga krimen.


Panawagan sa kinauukulan, maging mas masigasig sa pagtugis sa mga nagpapakalat ng ilegal na droga at patawan ng mabigat na parusa, ‘yung hindi na sila babalik sa masamang gawain at hindi rin tutularan ng iba.


Ang droga ang isa sa mga salot sa lipunan, nagagawa nitong wasakin ang buhay ng pamilya at kinabukasan ng kabataan, kaya huwag sana itong balewalain habang hindi pa huli ang lahat.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page