Mga bulaklak, ‘wag sobrahan ang presyo para ‘di masayang
- BULGAR
- Oct 30, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | October 30, 2023
Bukod sa kandila, nakagawian na ng marami na mag-alay ng mga bulaklak sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay tuwing gugunitain ang Undas. Subalit, paano kung ang mga bulaklak na gusto sana nating bilhin ay nagtaas at halos doble na ang presyo?
Dalawang araw pa bago ang All Saints’ Day, ayon sa ilang mga vendor sa Dangwa, Manila, dumoble na ang presyo ng mga bulaklak dahil sa supplies habang maraming demand nito. Ito anila ay talagang tumataas kapag mag-u-Undas.
Gayunman, may ilang shop sa mainstream market sa Manila, ang pinanatili pa rin ang dating presyo ng mga bulaklak para sa wholesale at retail flowers.
Sa ngayon, tinatayang ang presyo ng iba’t ibang bulaklak, ayon sa mga shop owner at vendor gaya ng Malaysian mums, kilala locally sa tawag na “rados,” na ginagamit sa mga okasyon at funeral bouquets ay nasa P250 kada bundle. Ang local roses ay nasa P80 hanggang P100 per stem; ang roses mula sa Ecuador ay nasa P150 per stem; ang The Lily stargazer ay nasa P200 hanggang P250 kada piraso; ang filler flowers gaya ng wax flower o tinatawag na chamelaucium ay nasa P150 hanggang 250 kada bundle; ang gerbera at carnation ay nasa P250 per stem at ang sunflower ay nasa P100 hanggang P150 kada stem o tangkay.
May iba’t ibang singil din ang mga flower shops para sa arrangements bilang kanilang labor fees.
Ang bayad dito ay mula P50 hanggang P200, depende pa sa complexity ng pagsasaayos ng bulaklak.
Kaya naman ang iba ay mas pinipili na lamang ang serbisyo ng kahit sino o sa vendor mismo basta marunong mag-ayos ng bulaklak at magiging maganda ito.
Hindi talaga natin nalilimutan ang pagdalaw sa mga puntod ng ating loved ones habang sama-samang nagdarasal ang lahat ng mga kamag-anak at ginagawa na rin nating reunion ang sementeryo.
Para sa ating mga Pinoy, ang pag-aalay natin ng mga bulaklak sa mga puntod ay hindi lamang pag-alaala sa ating mga yumao kundi simbolo ng ating wagas at dalisay na pagmamahal sa kanila.
Kahit gaano pa kamahal ang presyo ay magagawa nating bilhin ang mga bulaklak para ito ialay.
Sa ating mga vendor, flower shop owner at iba pa, okay lang na medyo magtaas ng presyo nito dahil mataas din naman ang kuha sa mga bulaklak, pero sana huwag namang sobra-sobra na halos triple na at hindi na makatarungan ang presyo. ‘Ika nga natin, ‘wag n’yong samantalahin dahil baka wala na ring bumili sa inyo at masayang lamang ang mga bulaklak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments