- BULGAR
Mga botanteng pa-probinsiya, todo-tiyaga para makaboto
ni Ryan Sison - @Boses | May 8, 2022
Inaabot nang magdamag ang mga pasahero sa mga bus terminal para makauwi sa kani-kanilang probinsiya bago mag-eleksyon.
Siksikan sa mga terminal at kani-kanyang diskarte ang mga inabutan ng antok para kahit paano ay makatulog bago bumiyahe.
Ayon sa mga pamunuan, naging punuan ang terminal dahil naghihintay na magbukas ng ticket booths ang mga pasahero dahil bagama’t 24 oras na bukas ang mga terminal, may takdang oras lamang para sa mga ticket booth.
Paliwanag naman ng mga babiyahe, maaga silang pumunta upang maiwasan ang pagdagsa ng mas marami pang mga pasahero.
Sa pagtaya, umabot umano sa mahigit 114,000 pasahero ang dumagsa noong Huwebes at dumami pa ito pagdating ng weekend.
Sa totoo lang, hindi biro ang pagbiyahe ngayon, lalo pa’t matatandaang nagkaaberya sa pagpapatupad ng window hours scheme para sa mga provincial buses.
Gayunman, hanga tayo sa mga botanteng ito na sinisikap makauwi sa kani-kanilang probinsiya para makaboto. Talagang naglalaan sila ng oras at pasensiya at para hindi masayang ang kanilang nag-iisang boto.
Kitang-kita na marami ang uhaw sa pagbabago at nais maging bahagi ng pagpili ng panibagong mga lider na mamumuno sa bansa.
Sana lang, maiwasan ang aberya sa mga terminal at biyahe para makaabot sa halalan ang mga botanteng ito.
Iisa lang naman ang nais natin – mairaos at maging payapa ang halalan. Gayundin, walang boto na masasayang at walang pagsisisi sa iluluklok nating mga lider.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co