top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mga biktima ng text scam, nawalan ng pag-asa sa DICT

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 24, 2023
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 24, 2023



Tuluyan nang bumagsak ang pag-asa ng mga biktima ng text scam, harassment sa online lending at iba pang pananakot matapos muling magbago ang isip ng Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa deadline ng Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration.


Urong-sulong kasi ang DICT hinggil sa inilabas na deadline hanggang sa maglabas na sila ng pinal na desisyon na talagang sa Abril 26, Miyerkules ang pagtatapos ng isinasagawang SIM card registration at lahat ng hindi rehistrado ay idi-deactivate na.


Dahil sa paninindigan ng DICT, halos magdiwang sa tuwa ang napakaraming biktima ng text scam, lalo na ‘yung mga nawalan ng mahal sa buhay dahil nagpatiwakal matapos makaranas ng harassment sa kamay ng mga sindikato na gumagamit ng text sa pananakot.


Kahit ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (ASG-PNP) ay aminadong hirap iresolba ang mga reklamo laban sa text scam kung hindi rehistrado ang SIM ng mga subscribers, kaya mahalagang-mahalaga para sa kanila ang itinakdang deadline.


Kung made-deactivate na nga naman sa itinakdang panahon ang hindi rehistradong SIM ay matitigil na rin ang mga pananakot ng mga grabeng maningil at tiyak na may maniningil pa rin, pero tukoy na kung sino at hindi na gagamit ng pananakot.


Ganyan kahalaga ang itinakdang deadline ng DICT na labis na inaasahan ng marami nating kababayan, kung saan ilang panahon nang nagtitiis na maipatupad ang naturang batas para makakuha naman sila ng katarungan o magwakas man lamang ang grabeng text scam sa bansa.


Kaya humantong sa pagbuo ng batas para rito dahil dagsa na ang reklamo at ito ang Republic Act 11934 o SIM Registration Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nakaraang Oktubre 2022, at ang kautusang magparehistro ay isa lamang sa pangunahing hakbang para masugpo na ang text scam.


Noong Abril 21, opisyal na ang pahayag ng DICT na wala nang atrasan ang SIM registration sa Abril 26, ito ay matapos silang mabatikos dahil sa urong-sulong nilang desisyon.


Saglit na hinangaan ang DICT dahil hindi nila pinagbigyan ang hiling ng mga telecommunications companies (telcos) tulad ng Globe, Smart, at DITO Telecommunications na palawigin pa ang registration period at inuna nila ang kapakanan ng bayan.


Hindi naman natin maisantabi na mag-isip ang ating mga kababayan na hindi naman basta pakiusap lang ang alok ng mga telcos para pumayag ang DICT sa extension dahil tiyak na may mas malalim pang usapan para pumayag ang DICT at tiisin ang aabutin nilang batikos.


Kaya ilang araw na sabik na sabik na ang ating mga kababayan sa paparating na deadline dahil ilang araw na lamang at ide-deactivate na ang mga SIM na pag-aari ng mga hindi sumunod sa utos ng pamahalaan.


Base sa datos ng National Telecommunications Commission (NTC) na hanggang nitong Abril 18, nasa 5,399,998 o 36.08% lamang ang nagparehistro para sa DITO; 32,224,277 o 37.15% naman para sa Globe; at 36,558,127 o 55.14% para sa Smart, kung saan sa kabuuan ay umabot sa 74,182,402.


Grabe ang pag-aalala ng mga telcos dahil sa sobrang baba ng registration turnout—dahil base sa datos ng DICT hanggang nitong Abril 20, nasa higit 74 milyon pa lamang ang nagpaparehistro mula sa 168,097 milyong SIM na gumagana sa bansa.


Nanghihinayang ang mga telcos dahil nasa 100 milyong SIM ang made-deactivate at lahat ay bumibili ng ‘load’, pero hindi naiisip na kasama sa mga ‘yan ang mga sindikato kaya ayaw magparehistro.


Noong Sabado, nagbago na naman ang isip ng DICT dahil nakakita na sila ng magandang dahilan para sa extension at ito umano ang ‘gap’ sa umiiral na registration dahil sa kakulangan ng valid ID at kasalatan ng connectivity ng mga subscribers at ngayon araw pa lamang magsasagawa ng imbestigasyon.


Sa hinaba-haba ng palugit, ngayong araw pa lamang makikipagpulomg ang DICT sa public telecommunications entities (PTEs) at iba pang stakeholders para alamin kung bakit mababa ang turnout ng registration.


Sa hakbang na ito ng DICT, ramdam na ramdam na gumana na ang impluwensya ng mga telcos at marahil ay hindi na nila kinayang tanggihan ang ‘napakagandang pakiusap’ kumpara sa damdamin at kapakanan ng marami nating kababayan.


Marami palang nakikitang problema ang DICT hinggil sa registration, pero bakit ngayon lang sila nagkukumahog kung kailan dalawang araw na lang ay made-deactivate na ang mga SIM ng mga nagpabaya at ang ilan ay miyembro pa ng sindikato?


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page