Mga bigating booters sa PFL, magkakasubukan sa RMSC
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 3, 2022

Asahan ang mga pasabog sa pagkikita muli ng dalawang matinding magkaribal na Kaya FC Iloilo at Stallion Laguna FC sa tampok na laban ngayong Sabado sa 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways simula 7 p.m. sa Rizal Memorial Stadium.
Bago noon, magsusubukan ang Azkals Development Team at Dynamic Herb Cebu FC sa isa pang mahalagang laban sa 4 p.m.
Solong numero uno ang Kaya ngayon na may perpektong 12 puntos buhat sa apat na panalo. Noong nakaraang linggo, naglabas sila muli ng kanilang matinding opensa sa 4-1 tagumpay sa Maharlika Manila FC sa likod ng bihirang hat trick o tatlong goal ni Jarvey Gayoso.
Nalasap ng Stallion ang unang talo sa torneo kontra Cebu, 3-4, matapos ang dalawang panalo. Lumamang agad ang Gentle Giants, 4-0, subalit nagising ang Stallion sa second half at rumatrat ng tatlong sunod-sunod na goal pero kinulang sila sa huli.
Tiyak na pagbawi ang nasa isip ng Stallion at walang hihigit pa kung gagawin nila ito sa kanilang karibal. Itatabi muna ang mga kartada at kakalimutan ang mga numero sabay inamin ni Coach Yu Hoshide ng Kaya na palaging maganda ang nagiging tatapatan nila sa Stallion.
Maaaring umagaw ng pansin ng mga tagahanga ang Azkals at Gentle Giants. Parehong nasa gitna ng standing ang dalawang koponan at gagawin ang lahat upang makalapit sa mga nangungunang Kaya, defending champion United City FC at Stallion.
Samantala, magtutuos ang mga kulelat at walang panalong Maharlika Manila FC at Mendiola FC 1991 sa Linggo sa Imus Grandstand sa Cavite simula 7:00 ng gabi.
Parehong hahanapin ng mga koponan ang kanilang unang puntos at umiwas sa pinakahuling pwesto.
Mga laro ngayong Sabado – Rizal Memorial Stadium 4:00 PM Azkals Development Team vs. Dynamic Herb Cebu; 7:00 PM Kaya Iloilo vs. Stallion Laguna





Comments