Mga beybi, ingatan sa whooping cough
@Editorial | Marso 23, 2024
Idineklara ng isang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang ‘pertussis outbreak’.
Kaugnay nito, pinakikilos na ng alkalde ng Quezon City ang iba’t ibang departamento sa city hall upang agad na matugunan at maresolba ang sakit na ‘pertussis’ o whooping cough sa lungsod.
Sumipa umano sa 23 ang naitalang kaso sa lungsod kung saan apat ang nasawi.
Ayon sa QC Epidemiology and Surveillance Department, kadalasang biktima ng sakit ay ang mga sanggol na wala pang anim na buwang gulang. Ang pagsirit umano ng kaso ng pertussis ay dulot ng kawalan ng bakuna ng mga beybi.
Sa kasalukuyan, 14 barangay na ang apektado ng pertussis sa QC kung saan pinakamarami ang kaso sa Brgy. Payatas B.
Kasunod nito, tiniyak naman na walang dapat ikabahala ang mga residente dahil nakatutok na umano ang pamahalaang lungsod para agad na matugunan ang sitwasyon. Kabilang sa hakbang ang pinaigting na surveillance at contact tracing para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Plano na rin ng pamahalaang lungsod na bumili ng sariling Pentavelant vaccine panlaban sa kumakalat na pertussis.
Payo naman sa publiko, huwag mag-panic, sa halip ay sundin ang tamang respiratory hygiene lalo na kapag umuubo, at ugaliin pa rin ang tamang pag-iingat gaya ng regular na paghuhugas ng kamay.
Para sa mga may anak na sanggol pa, iwasan munang dalhin ito sa matataong lugar.
Ang mga may sintomas ng ubo, magpakonsulta sa pinakamalapit na health center, magsuot ng face mask at huwag munang lumapit sa mga beybi.
Siguro naman ay natuto na tayo sa COVID-19, alam na natin kung ano ang mga dapat gawin para hindi na maulit ang pandemic.
Kailangang alagaan ang sarili lalo na ang ating mga anak.



Comments