Mga batas, wa' 'wenta kung 'di naipatutupad
- BULGAR

- 5 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | April 8, 2026

Paiigtingin ang pagpapatupad ng curfew, bawal ang inuman sa kalsada, pagbabawal sa pagiging topless, at regulasyon sa videoke. Tama lang ito—matagal nang kailangan ng disiplina sa mga komunidad. Nakakaabala ang ingay, delikado ang mga kabataang nasa labas gabi-gabi, at nagiging magulo ang mga lansangan dahil sa inuman.
Pero malinaw ang problema: madalas, sa umpisa lang mahigpit. May hulihan, may ikot ang tanod at pulis—pero paglipas ng ilang linggo, balik sa dati. Nawawala ang bantay, lumalakas ulit ang videoke hanggang madaling araw, at bumabalik ang inuman sa kalsada. Ito ang paulit-ulit na sakit—ningas-kugon.
Kung seryoso ang pamahalaan, dapat tuloy-tuloy at pantay ang pagpapatupad. Walang pili—kahit sino pa ang lumabag. Hindi puwedeng may sinisita at may pinapalusot. At hindi rin sapat na puro hulihan; kailangan may malinaw na paalala at pakikiisa ng barangay at residente.
Kung sisimulan, panindigan. Kung may batas, ipatupad nang pare-pareho. Dahil kung hindi, mauuwi lang ulit ito sa panandaliang ingay—at sa huli, wala ring magbabago.


Comments