Mga batang kulang sa nutrisyon, tutukan
@Editorial | April 01, 2023
Problema pa rin ang malnutrisyon sa mga bata na kapansin-pansin sa kanilang pangangatawan.
Kaugnay nito, ipatutupad ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) sa 235 local government units (LGUs) na may pinakamataas na pasanin ng childhood stunting at undernutrition, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim ng proyekto, ang mga kalahok na munisipalidad ay tatanggap ng mga support package mula sa PMNP sa anyo ng performance-based grants (PBG) para sa LGU at input support packages. Tulad ng primary health care at nutrition commodities, municipal grant allocation (MGA) para sa mga sakop na komunidad o barangay, at capacity building.
Sakop din ng project ang dagdag-40 munisipalidad mula sa tatlong probinsya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na tinukoy bilang bahagi ng mga priority areas ng Human Development and Poverty Reduction Cabinet Cluster (HDPRC) at Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN).
Ang panawagan naman sa mga LGUs, komunidad at maging sa mga pribadong sektor, aktibo sanang makilahok sa proyekto.
Kailangang tugunan ang problema sa laganap nang childhood stunting at nutritional deficiencies.
Alagaan natin ang mga bata na bubuo sa kinabukasan. Dapat nilang taglayin ang malusog na pangangatawan para makapag-aral at makapamuhay nang maayos.



Comments