Mga batang ‘di bakunado, kadalasang tinatamaan ng COVID-19
ni Ryan Sison - @Boses | January 22, 2022
Sa gitna ng patuloy na hawahan ng COVID-19 sa bansa, patuloy din ang national vaccination program.
Ito ay para makamit ang target ng pamahalaan na makapagbakuna ng mahigit 50 milyong mamamayan upang makamit ng bansa ang herd immunity.
Dahil dito, kani-kanyang pagsisikap ang mga lokal na pamahalaan at ibang kagawaran upang mapataas ang bilang ng bakunado laban sa COVID-19 sa bansa.
Bagama’t malinaw sa atin na kaya tayong protektahan ng COVID-19 vaccine laban sa malalang epekto ng sakit, ang tanong, sinu-sino naman ang mga madalas dapuan ng sakit?
Sinabi ng opisyal ng Department of Health (DOH) na marami sa mga nagkaka-COVID-19 ay mga bata na hindi pa nababakunahan laban sa naturang sakit.
Base sa datos ng OCTA Research, noong nakaraang linggo ay nakapagtala ng average 30,000 bagong COVID-19 cases kada araw ang bansa, kung saan mahigit sa kalahati ay galing sa Metro Manila.
Gayunman, sa ngayon ay wala pang aprubadong bakuna sa bansa para sa mga batang 5-anyos pababa, habang patuloy naman ang pagbabakuna para sa mga menor-de-edad na 12 hanggang 17-anyos.
Samantala, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na pag-aaralan pa ng gobyerno kung kailangang bigyan ng booster shot ang mga kabataan matapos ianunsiyo ng World Health Organization (WHO) na wala pang ebidensiya na magpapatunay na kailangan nila nito, lalo na kung wala silang comorbidities at malusog ang kanilang pangangatawan.
Nauunawaan natin ang mga magulang na nagdadalawang-isip pa kung pababakunahan ang kanilang anak. Marahil ay napangungunahan ng takot o may maling paniniwala sa bakuna.
Kaya naman, panawagan sa mga kinauukulan, hindi lang dapat pagbabakuna ang dapat nating tutukan dahil kailangan din nating palakasin ang tiwala ng mga magulang sa bakuna, lalo pa’t karamihan ng tinatamaan ng sakit ay pawang kabataan.
Sa kabilang banda, pakiusap sa mga magulang, kung hindi pa bakunado ang inyong anak, tayo ang dapat maging responsable. Tiyaking doble-ingat tayo sa lahat ng pagkakataon upang hindi makapag-uwi o makapanghawa ng virus sa mga bata.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments