Mga ‘bata’ ni P-Digong, sunud-sunod nadale ng COVID
- BULGAR
- Mar 16, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | March 16, 2021
Sunud-sunod nagkaka-COVID ang mga presidential appointee.
Hindi kaya dapat i-disinfect ang “signature” ni P-Digong?
◘◘◘
MAGKAKASABAY na nagka-COVID sina PNP Chief Debold Sinas, PDEA chief Wilkins Villanueva at si Presidential spokesman Harry Roque.
Dapat maging maingat si P-Digong—namumuro siya, kumbaga sa “bingo”!
◘◘◘
AYON sa ating source, desidido si Sen. Manny Pacquiao na kumandidatong pangulo imbes na bise-presidente.
‘Yan ang tsismis ngayon!
◘◘◘
NAGSISILBING pangulo ng PDP-Laban si Pacquiao at honorary chairman si P-Digong.
Ibig sabihin, hindi kasama si Mayor Sara sa PDP-Laban dahil siya naman ang lider ng Hugpong sa Pagbabago!
◘◘◘
KUNG susuriin natin ang galaw sa pulitika, magkasaliwa ang kaliwa at kanang paa ng mga maka-Digong.
Malinaw na magkahiwalay ang “mando” ng Hugpong at PDP-Laban!
◘◘◘
SA ngayon, hindi pa nagbibigayan sina Mayor Sara at Pacquiao.
Hindi pa sila tumatalab ang himas ni P-Digong kay Pacquiao!
◘◘◘
PAREHONG may resources, makinarka at name recall sina Mayor Sara at Pacquiao.
Dahil d’yan, mahihirapan silang “pagtagpuin”!
◘◘◘
SA aktuwal, may ikatlo pang maka-Digong na presidentiable—at ito ay si dating Sen. Bongbong Marcos.
Maka-Digong ang Pamilya Marcos at hindi puwedeng ietsa-puwera si Sen. Bongbong dahil may malinaw siyang 8 million solid votes!
◘◘◘
KUNG ianalisa, tatlo ang panlaban sa pagkapangulo ng maka-Digong—Mayor Sara, Pacquiao at Marcos.
Sa linyahan, siyempre, posibleng maiwan sa kanyang ama si Inday Sara!
◘◘◘
DAHIL magiging lameduck president si P-Digong, maaaring magdesisyon nang solo ang PDP-Laban ay ideklarang panlaban si Sen. Pacquiao.
Manalo o matalo si Pacquiao, lalakas ang partido na ipinundar ni dating Sen. Nene Pimentel!
◘◘◘
KASABAY nito, si Marcos naman ay nasa ilalim ng Nacionalista Party na nagsisilbing chairman si dating Senate President Manny Villar.
Malakas ngayon ang Pamilya Villar dahil kay Sen. Cynthia Villar at DPWH Sec. Mark Villar.
Puwedeng ipagamit ng Pamilya Villar ang NP at maging ang kanilang “full-resources” para sa isang Marcos presidency!
◘◘◘
SI Mayor Sara ay nananatiling malakas na aspirante dahil siya ang No.1 sa opinion survey—pero maaari lamang siyang kumandidato kapag sinuportahan ng ampon ng kanyang ama na si Sen. Bong Go.
Mistulang magkapatid sina Mayor Sara at Sen. Go—iisa lang ang kanilang kulay!
◘◘◘
SA kabilang panig, hiwalay na hiwalay naman ang kulay ni Sen. Grace Poe na nagpapakita ng magandang resulta sa survey kahit walang makinarya, walang resources pero may name recall.
Malinaw din ang kulay nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Mayor Isko Moreno ng Maynila!
◘◘◘
Si VP Leni ay siya dapat front runner dahil haligi siya ng Liberal Party—ang umaaktong oposisyon.
Nananatiling aspirante si VP Leni pero kailangang niyang mapabuklod ang lahat ng “non-Duterte” tulad nina Poe, Lacson, Moreno kung mayroon pang ibang susulput-sulpot na oposisyon!
◘◘◘
SA Pilipinas, ang kuwalipikasyon o track record ay hindi gaanong pinagbabatayan ng ordinaryong botante.
Mas type iboto ng mga kolokoy ang popular kahit walang sapat na karanasan!
◘◘◘
SAKALING humapay si Pacquiao sa oposiyon o makipag-alyansa, lalaki ang kanyang tsansa.
Pero, makakasagupa niya si Inday Sara!
◘◘◘
SI Marcos naman ay malabong ampunin ng LP o ng oposisyon—kaya’t dalawa lang ang kanyang opsiyon—ikandidato ni P-Digong o maging “third candidate”.
Sa tingin ng marami, malaki ang posibilidad na “three-corner fight” ang 2022 presidential elections.
Sa ganyang porma, patas-patas lang ang tatlong kandidato sa pagkapangulo.
Isang masaya at magarbong halalan ang naghihintay sa gitna ng pandemya!





Comments