Mga bata ngayon, wala nang galang… GOV. VILMA: WAKE UP, PARENTS!
- BULGAR

- 11 hours ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | July 22, 2026

Photo: IG _rosavilmasantosrecto
“Wake up, parents!” ito ang naging panawagan ni Gov. Vilma Santos-Recto sa mga magulang.
Nagkaroon ng pagkakataon ang ilang miyembro ng entertainment media na makapanayam ang Star for All Seasons at Batangas governor na si Vilma Santos-Recto matapos ang kanyang State of the Province Address (SOPA).
Sa panayam, napag-usapan ang isyu ng ilang kabataang tila nawawalan na ng paggalang sa kanilang mga magulang.
Tinanong si Vilma, “Bilang isang magulang, ano ang pakiramdam mo, at ano ang gusto mong iparating sa mga magulang at mga anak na nawawalan na ng galang sa isa’t isa?”
Ayon kay Vilma, napakahalaga pa rin ng pamilya bilang pundasyon ng lipunan.
Aniya, “Uulitin ko lang, ang importante ngayon ay family is our important unit in our society. Kinalakihan ko ang old-school values kung saan ang mga magulang ang gumagawa ng matibay na foundation para sa pamilya.
“Sabi ko nga, ‘di naman puwedeng laging i-blame ang eskuwelahan, ang community o ang social media. Kasi minsan, kailangan pumunta tayo sa school. Sabi ng nanay, ‘‘‘Di puwede kasi naka-ano, ang scatter, ‘di ba? O ‘yung tatay, nandu’n, nanonood ng e-sabong.’
“Kung gusto nating magkaroon ng pagbabago sa bansa natin, at the end of the day, ang may pinakamalaking responsibilidad ay ang mga magulang.
“Wake up, wake up! Kasi ang mga anak natin ang bukas. Kasi eto na tayo ngayon. Eto na tayo. Wala na, and tomorrow is for the youth. At buhay ng youth ang pupunta sa darating na bagong henerasyon.
“Think of your children. Think of your family. Mga magulang, wake up.”
Binigyang-diin ni Vilma na nagsisimula sa loob ng tahanan ang paghubog ng mabuting asal, paggalang, at pagpapahalaga ng mga anak, kaya mahalagang maging mabuting halimbawa ang mga magulang sa kanilang pamilya.
Sa kanyang SOPA, ibinahagi ni Governor Vilma sa mga Batangueño ang mga programa, proyekto at tagumpay ng pamahalaang panlalawigan sa nakalipas na isang taon. Naging mas buhay at madaling maunawaan ng publiko ang kanyang ulat dahil inilahad ito sa pamamagitan ng isang theatrical presentation na nagbigay-diin sa mga naging bunga ng kanyang pamumuno.
Ipinakita sa SOPA ang malalaking hakbang na isinagawa ng administrasyon sa loob lamang ng isang taon upang maisulong ang isang mas maunlad at mas matatag na Batangas. Mula sa kalusugan at edukasyon hanggang sa pagpapaunlad ng imprastraktura, binigyang-diin ni Governor Vilma ang mga programang naglalayong mailapit ang serbisyo sa bawat Batangueño.
Isa sa mga pangunahing tampok ng kanyang ulat ang patuloy na pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan sa ilalim ng programang ‘Mas Matatag na Kalusugan’.
Sa loob lamang ng isang taon, dalawang bagong Dialysis Centers ang naitatag bilang bahagi ng mas malawak na programa ng lalawigan na maglalagay ng kabuuang 100 dialysis machines sa iba’t ibang distrito ng Batangas upang mailapit ang libreng serbisyo sa mga pasyenteng nangangailangan nito.
Kasabay nito, agad ding sinimulan ang pagtatayo ng dalawang district hospitals, habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga pasilidad sa lahat ng district hospitals sa lalawigan.
Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 411,741 ang kabuuang serbisyong naihatid ng mga provincial at district hospitals ng Batangas. Samantala, mahigit 21,000 Batangueño ang nakinabang sa pinalawak na libreng medical, dental, tuli, at iba pang health missions na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan.
Malaki rin ang naging puhunan ng lalawigan sa sektor ng edukasyon. Humigit-kumulang P400 milyon ang inilaan upang suportahan ang edukasyon ng mahigit 76,000 Batangueño scholars, malaking pagtaas mula sa 42,678 iskolar noong nakaraang administrasyon.
Mas pinatatag din ang Merit-Based Educational Grants Program, kung saan umabot na sa 3,062 ang mga iskolar na tumanggap ng educational grants para sa School Year 2025–2026—halos pitong beses na mas marami kumpara sa 451 benepisyaryo noong nakaraang school year.
Isinulong din ng lalawigan ang pantay na pagbibigay ng educational grants sa mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan upang mas marami pang Batangueño ang magkaroon ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral.
Sa ilalim naman ng programang ‘Mas Maayos na mga Paaralan’, patuloy na pinalalakas ng Kapitolyo ang school infrastructure program upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng sektor ng edukasyon.
Mahigit P1.37 bilyon ang inilaan para sa konstruksiyon ng mga bagong silid-aralan, habang 841 classrooms ang kasalukuyang sumasailalim sa School Repair Program upang unti-unting mabawasan ang classroom backlog sa lalawigan.
Bukod dito, patuloy ding ipinamahagi ang iba’t ibang makabagong kagamitang panturo, kabilang ang mahigit 1,200 laptops, Smart TVs, interactive projectors, learning materials, at iba pang kagamitan upang higit pang mapabuti ang kalidad ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
Ala eh, super-lucky ng mga Batangueño! Sana all ay may Gov. Vi na tunay na naglalapit ng mga programa at serbisyo sa bawat Batangueño. Kitang-kita ang kanyang dedikasyon at malasakit sa patuloy na pagpapaunlad ng lalawigan.
Isang malaking congratulations, Vi!
‘Yun lang, and I thank you.





Comments