Mga bashers, dapat lang tuluyan!
- BULGAR
- Mar 30, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 30, 2022
MGA PULITIKONG MAGNANAKAW AT MANDARAMBONG NAGPAPAHIRAP SA ‘PINAS – Kung may katotohanan ang mga resulta ng survey, nakalulungkot isipin na ang mga namamayani sa rating ay mga trapo (traditional politician) na magnanakaw at mandarambong.
'Yan ang dahilan kaya lugmok ang Pilipinas, hindi na umasenso ang bansa, kasi ang gustong iboto ng mga bobo-tante ay ang mga trapo na hindi naman serbisyo-publiko ang tunay na pakay kaya kumakandidato, kundi ang magpayaman lang sa posisyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga katiwalian sa kanilang mga tanggapan kapag nasa posisyon na, tsk!
◘◘◘
PAGIGING SENADOR PINASOK NA RIN NG POLITICAL DYNASTY – Dati, ang political dynasty ay sa local positions lang nangyayari, tulad halimbawa na governor si mister, vice governor si misis, mayor si kuya, vice mayor o congressman si bunso, pero ngayon pati national position ay gusto na ring pasukin ng mga magkakamag-anak na pulitiko, kasi meron ng senadora na si nanay, ang gusto ng anak maging senador din, meron din na senadora na ang anak, gusto ng ama senador din siya, meron ding senadora na si ate, ang gusto ng utol senador din siya, tapos may magkapatid pa sa ama na gustong maging senador uli.
Ganyan na kung baboy-babuyin ng political dynasty ang sistema ng pulitika sa bansa, pwe!
◘◘◘
SIGURO KAMOT-ULO NGAYON ANG SPOKESMAN NG NUP KASI AKALA NIYA BET NG NUP PRESIDENT SI BBM, HINDI PALA KASI SI LENI PALA ANG BET – Matapos isapubliko ni NUP (National Unity Party) spokesman Reggie Velasco na si former Sen. Bongbong Marcos, Jr. ang sinusuportahan ng kanilang partido sa pagka-presidente, ay sinabi ni NUP President, 4th Dist, Rep. Elpidio Barzaga na si presidential candidate, Vice Pres. Leni Robredo raw ang kanyang bet sa pagka-presidente.
Siguro, kamot-ulo ngayon si Velasco, kasi akala niya ay si BBM ang bet ng presidente ng kanilang partido, eh hindi pala, kasi si Leni pala ang bet, period!
◘◘◘
DAPAT LANG SAMPAHAN NG KASO NI MELAI ANG BASHER NA NANANALANGIN NG MASAMA SA KANYANG MGA ANAK – Matapos magpahayag ng suporta kay VP Leni ang comedian-TV host na si Melai Cantiveros, ay pinutakti na siya ng pamba-bash ng mga pro-BBM (Bongbong Marcos) netizens, at okey lang sana kung si Melai ang bina-bash kasi alam naman niya ang takbo ng pulitika sa bansa, "siraan", kaya lang ang hindi kagandahan ay may isang netizen na idinamay pa ang mga anak niya, na ipinapanalanging mamamatay na raw.
Dahil d’yan, tama lang ang naging desisyon ni Melai na sampahan ng kaso ang basher niya, kasi hindi talaga katanggap-tanggap na pati mga bata na walang muwang sa mundo ng pulitika ay idinadamay, at ang matindi, ipinapanalangin pang mamamatay ang mga bata, tsk!





Comments