Mga bagong lider ng barangay, maglingkod nang tapat at tunay
- BULGAR
- Nov 1, 2023
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 1, 2023
Natuloy din sa wakas ang matagal nang ipinagpalibang halalan para sa tagapamuno ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa pag-upo ng mga bagong lokal na lider sa mga pundamental na unit ng pamahalaan sa bansa, umaasa ang taumbayan na pagsisilbihan nila sila ng may malasakit at katapatan.
Napakahalaga ng papel ng isang kapitan ng barangay na binibigyan ng tatlong uri ng kapangyarihan — ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Iyan ay pinagsama-samang kapangyarihan sa kanyang kamay na kailangan niyang gamitin ng buong katapatan at kahusayan.
Bilang chief executive ng barangay, siya ang tagapagpatupad ng kaayusan at katahimikan sa kanyang nasasakupan. Nakaatang rin sa kanya ang paniniyak ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mamamayan ng barangay tulad ng pangkalusugan at sanitasyon.
Siya rin ang presiding officer ng Sangguniang Barangay, ang legislative arm nito.
Samantala, bilang tagapanguna ng Lupong Tagapamayapa, responsibilidad niya ang pag-aayos at pagkakasundo o settlement sa pagitan ng mga residente ng barangay na may reklamo o hindi pinagkakasunduang idinudulog sa kanya.
Mabigat ang tungkuling itinalaga ng ating batas sa balikat ng lider ng barangay. Malaki rin ang inaasahan ng mga nasasakupan sa kanyang kapasidad. Ang unang hakbang, progreso at tagumpay ng komunidad ay nasa pagtitimon ng barangay chairman. Sa kanya unang mararamdaman ng mamamayan kung may silbi at malasakit ang pamahalaan sa kanilang kalagayan.
Kaya sa buong panahon ng paninilbihan ng mga ama at ina ng barangay, at kanilang mga kagawad, inaasahan natin na buong dedikasyon at walang bahid ng korupsiyon silang maglilingkod, buong galing nilang isasagawa ang kanilang tungkulin, pagagaanin nila ang mga pasanin ng mga mamamayan, pagbubutihin sa halip na pahihirapin ang pagtugon sa kanilang pangangailangan at lagi nilang uunahin ang kapakanan ng kanilang nasasakupan. Malaking pagsasakripisyo ang kailangan nilang ilaan sa paglilingkod sa taumbayan.
Umaasa tayong mas marami pang magiging tularan o halimbawang mga barangay para naman mapabuti ang mga komunidad sa buong Pilipinas.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Hindi dapat kalimutan ng lahat ng opisyales ng barangay na a "public office is a public trust" kaya tiyakin nilang ang tiwala sa kanila ng mga naghalal sa kanila ay hindi masisira. Alalahanin din nila lagi na sila ay public servant o lingkod bayan kaya hindi sila ang paglilingkuran ng kanilang mga nasasakupan.