Mga bagitong kabayo, bakbakan sa Maiden Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | February 11, 2022
Maglalargahan ang limang bagitong kabayo sa magaganap na 3-Year-Old & Above Maiden race na tatakbo ngayong araw sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
May distansiyang 1,300 meter race, magtatagisan ng bilis sina Speed Wonder, Phoenix Rising, Boss Will, Med-bays at Green Archer.
Nakalaan ang added prize na P10,000 para sa winning horse owner sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, napipisil nilang tayaan ang kalahok na si Speed Wonder na sasakyan ni RM Adona.
"Kursunada ko lang at ng mga kasama ko si Speed Wonder," saad ni Victor Cortez, karerista.
Pitong karera ang pakakawalan ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) kaya tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa paglilibang.
Samantala, bumilib ang mga karerista sa ipinakitang husay ng dehadong Nounpareil matapos manalo sa 2022 PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, Miyerkules ng gabi.
Ginabayan ni OP Cortez, lumabas na pang-siyam si Nounpareil habang nagtatagisan ng bilis sa unahan sina Commodora at Ava's Tale.
Pagdating ng far turn ay nasa bandang likuran pa rin si Nounpareil pero unti-unti na itong lumalapit sa unahan.
Papalapit ng home turn ay nag-iinit na si Nounpareil kaya sa rektahan ay malakas ang usad nito at nakuha ang unahan sa huling 100 metro ng laban.
Nagwagi si Nounpareil ng may 2 kabayo ang agwat ng pumangalawang si Diwalwal, tumersero si Abel Iloko.
Inirehistro ni Nounpareil ang tiyempong 1:38 minuto sa 1,500 meter race sapat upang ibulsa ng winning horse owner na si Melanie Habla ang added prize na P5,000.
Mga Pili ni Green Lantern:
Race 1. Entry # 4, Entry # 3, Spy Glass (5) Race 2. Speed Wonder (1), Phoenix Rising (2) Race 3. Lady Of Peace (4), Entry # 1, Empire Ruler (6) Race 4. Suzie Cat (2), Hello Junior (1) Race 5. Pilya (2), Black Woman Magic (6), Dominatore (5) Race 6. Bonifacio (5), Yabba Dabba Doo (3) Race 7. El Lider Maximo (1), Konzeelanz (6), Handsome Jhon (4)





Comments