Mga apo, kayang buhayin ng anak… ROBIN, NANINIWALANG ‘DI KAWALAN SI ALJUR KAY KYLIE
- BULGAR

- Jun 17
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 17, 2026

Photo: IG _bernardokath
Mahirap ang sitwasyon ngayon ni Kylie Padilla. Gustuhin man niyang muling umibig at magkaroon ng bagong inspirasyon, hindi iyon magiging madali dahil may dalawa siyang anak na kailangang tanggapin ng sinumang papasok sa kanyang buhay.
Malaking responsibilidad ito para sa magiging karelasyon niya. Kaya sa ngayon, mas mahalagang pagtuunan niya ng pansin ang pagtatrabaho at pag-iipon upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak.
Maituturing nang single mom si Kylie dahil may sarili nang pamilya ang kanyang ex-husband na si Aljur Abrenica.
Sa kanyang pagbabalik-showbiz nakasalalay ang mas matatag na kinabukasan para sa kanyang mga anak.
Pero naniniwala ang kanyang amang si Sen. Robin Padilla na isa siyang strong woman at hindi basta susuko sa anumang pagsubok. Kaya niyang harapin ang mga hamon sa buhay kahit wala ang tulong ng dating mister.
HINDI na raw itutuloy nina Ice Seguerra at Liza Diño ang kanilang baby project na matagal na nilang binabalak.
Simula nang maging abala sila sa pagtatatag ng Fire and Ice Productions, hindi na nila nabigyan ng sapat na panahon ang mga plano nila tungkol dito.
Naging busy din si Ice sa pagdidirek ng mga concerts. At ngayon, kinuha siya ng TVJ bilang regular director ng longest-running noontime show na Eat… Bulaga! (EB!) na napapanood araw-araw sa TV5.
Sa noontime show din unang nakilala si Ice nang sumali siya sa Little Miss Philippines. Dito nagsimula ang kanyang showbiz career bilang si Aiza Seguerra.
Matagal siyang naging bahagi ng programa. Ngayon, hindi man siya kabilang sa mga hosts, siya naman ang direktor ng EB!. Kaya araw-araw ay excited siyang makasama muli ang kanyang dating mga Dabarkads, lalo na sina Bossing Vic Sotto at Joey de Leon.
MASUWERTE si Joross Gamboa dahil palagi siyang napapasama sa mga box-office hit movies at mabenta rin sa mga roles bilang ‘Pambansang Best Friend’.
Sa Hello, Love, Again (HLA) na pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, best friend ang kanyang karakter.
Ngayon naman, kabilang siya sa cast ng Remember na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Kaya hindi maikakailang marami ang naiinggit kay Joross dahil pawang malalaking artista ang kanyang nakakasama sa mga proyekto. May kakaiba siyang karisma kaya paborito ng mga direktor. Magaan siyang katrabaho, natural umarte at hindi pilit ang pagpapatawa kaya gustung-gusto siya ng mga moviegoers.
Para nga raw siyang lucky charm dahil karamihan sa mga pelikulang kinabibilangan niya ay nagiging box-office hit. At tulad ng HLA, inaasahang magiging mabenta rin sa takilya ang Remember.
Well, malakas pa rin ang hatak ng tambalang DongYan (Dong at Marian) at sabik na rin ang kanilang mga tagahanga na muli silang mapanood sa big screen.
Ang Remember ay co-produced ng Star Cinema, APT Films, Agosto Dos Pictures at Regal Films.





Comments