Mga anak, ‘wag sanang gawing retirement plan ng mga magulang
- BULGAR

- Jul 25
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 25, 2025

Tila hindi makatarungan ang pag-oobliga sa mga anak na suportahan ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng batas. Kung tunay na may malasakit ang gobyerno sa ating matatanda, dapat nitong tiyakin na may disenteng trabaho, sapat na pasahod, at maayos na serbisyong panlipunan para sa lahat, lalo na sa mga anak na maaaring nabibigatan din sa araw-araw na pamumuhay.
Ang pagsasabatas ng “Parent Welfare Bill” ay tila pagpasa ng responsibilidad sa ordinaryong mamamayan, sa halip na gampanan ng estado ang tungkulin nito sa kapwa kabataan at senior citizens. Ito ang naging sentimyento ng Kabataan Partylist matapos muling isulong ni Senador Panfilo Lacson ang panukalang batas na maaaring mag-utos sa mga anak, sa pamamagitan ng korte, na gastusan ang pangangailangan ng kanilang mga magulang.
Ayon kay Rep. Atty. Renee Co, hindi dapat gawing retirement plan ang mga anak, at lalong hindi dapat gawing utang na loob ang serbisyo ng pamilya na maaaring abusuhin ng ilang mga magulang o mga institusyon.
Bagama’t malinaw sa Family Code ang mutual responsibility ng magulang at anak, at may umiiral namang mga benepisyo para sa senior citizens gaya ng discounts at social pension, totoong hindi pa rin ito sapat.
Sa kasalukuyan, kulang ang budget sa mga programang pang-elderly, at maraming senior citizens ang hindi naaabot ng social safety nets gaya ng Expanded Centenarian Act.
Sa panig ng Malacañang, giit nilang may existing na mga programa para sa mga matatanda. Pero ayon sa National Commission of Senior Citizens, wala pang pondo para sa ilang benepisyaryo. Ibig sabihin, kulang pa rin ang konkretong pagkalinga at suporta ng gobyerno.
Sa ganang akin, dapat ang batas ay hindi ginagawang paraan ng pananakot o sapilitang obligasyon. Sa halip, dapat itong magsilbing sandalan ng mga kapos, at gabay tungo sa pagpapabuti at pagkakapantay-pantay.
Nakakagulat isipin at nakakadismaya na pati ang natural na ugnayan ng pamilya ay pinapasok na rin ng batas.
Bilang anak, totoong may tungkulin din tayo sa ating mga magulang, pero hindi dapat ito iasa ng estado at ipuwersa ng korte na akuin natin ang lahat ng obligasyon. Ang gobyerno ay naririyan upang maghatid ng tulong at seguridad sa bawat mamamayan, anuman ang edad.
Hindi solusyon ang pagtulak sa mga anak para akuin ang kakulangan at kabiguan ng ating sistema. Ang tunay na pagmamalasakit ay nag-uugat sa pantay na oportunidad at isang gobyernong inuuna ang magserbisyo.
Dahil ang totoong malasakit ay hindi ipinipilit, ito’y isinasagawa sa pamamagitan ng tamang polisiya, maayos na implementasyon, at pantay-pantay na serbisyo-publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments