Mga anak ni Tata Jose, tuloy ang pagsunod at paglilingkod
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 20, 2021
Tatlong tagapagsalita ang pinakinggan online: Mr. Jonjon Gales (Davao City); Fr. Jim Krueger MM (misyunero at guro); Bishop Marvin ng San Jose, Antique. Ito ang pambungad ng ating ika-92 Alumni Homecoming ng San Jose Major Seminary. Tatlong tinig — tinig ng Lay Alumni; ng Propesor at ng isang Obispo. Silang lahat ay mga anak ni Tata Jose, mga dumaan sa Seminaryo ng San Jose. Ikalawang taon nang hindi kami nagkikita-kita dahil sa pandemya. Online lamang ang lahat pati na ang kapatiran. Alam nating mahirap ang online na pagdiriwang ng kapatiran na maaaring magkuwentuhan, magtawanan, at maging mag-iyakan. Ito ang kapatiran ng mga anak ni Tata Jose, mga nagtapos sa Seminaryo ng San Jose.
Dahil sa pagtugon sa hamon ng 500-daang taon ng Kristiyanismo sa ating bansa, inilunsad natin ang LakaRun para sa Bagong Misyon. Maganda at makabuluhan, ngunit puno ng hamon ang proyekto. May gastusin sa pagtatanim ng mga inukit na krus, ng 5 hanggang 500 punong katutubo at sa pakikipag-usap at paglalakad at pakikipag-usap sa ilang kabataan habang dinadalaw ang iba’t ibang parokya. Dahil dito, nadalaw at nahingi natin ng tulong ang matulunging alumnus namin na si Nelson Mendoza. Kinausap natin siya noong nakaraang unang linggo ng Oktubre. Nang magkita kami sa kanyang tahanan sa Parañaque, masaya ngunit seryosong nagsalita si Nelson, “Siguro, kaya ka dumalaw sa akin para mabigyan mo ako ng “Extreme Unction”, ang sakramento para sa mga may malubhang sakit na may panganib na matapos na ang buhay. Tunay ngang may panganib ang buhay ni Nelson dahil nagda-dialysis na ito. Kaya pagkatapos naming mananghalian, dali-dali natin dinasalan, binasbasan at pinahiran ng langis para sa mga may-sakit. Nagbigay-tulong si Nelson at nagpaalam natayo sa kanya. Kulang-kulang isang buwan nang matanggap natin ang nakagugulat na text mula sa isa niyang matalik na kaibigan, “Wala na si Nelson.” Namaalam na ang masaya at bukas-palad na si Josefino, anak ni Tata Jose na kilala sa pagtulong sa mga kongregasyon ng mga madre at relihiyoso.
Nagmisa tayo para kay Nelson Mendoza noong Miyerkules ng gabi. Merong ilang nagsimba nang face-to-face, ngunit maraming hindi na nakadalo sa misa sa simbahan at nagkasya na lang sa pagsimba nang online. Nagkataong ang ebanghelyo noong Huwebes, araw ng aming Alumni Homecoming ay tungkol sa pag-iyak ni HesuKristo para sa Jerusalem. Naisip natin ang mga nagdaang buwan ng pandemya — mga buwan ng lungkot, pagdadalamhati at pagtangis. Naisip natin noong Huwebes ang napakaraming pari na dumaan sa mabigat na hamon ng pandemya.
Ang ilan sa mga ito ay namatay. Marami ay dumaan sa mabigat na hamon at pagsubok ng matinding kawalan at kakulangan kasama ng kani-kanilang pamayanang lumaban din sa pandemya.
Malalim ang hamon ni Bishop Marvin ng Antique sa mga Anak ni Tata Jose. “Sa panahong ito, kailangan nating buuin at palakasin ang kapatiran ng awa at pagkalinga sa isa’t isa para na rin sa kapakanan ng pagkatao ng pari maging sa matitinding pangangailangan ng mga parukyano.
Paano malalampasan nating mga pari na nananatiling hamak at mahihinang tao na hindi protektado, laban sa panghihina ng katawan, isip, puso at kaluluwa?
Napakahalagang meron tayong kaibigan at kalakbay na pari na mapagkakatiwalaan na maaaring maglakbay kasama natin.
Marahil, bahagi na rin ito ngayong panahon ng pandemya ng ating tungkulin ng pagsunod kay HesuKristo; paglilingkod sa taumbayan at pamayanan kasama ng pakikipaglaban sa kasamaan.
Bagama’t online lang ang mga panayam, binusog ng mga ito ang aming isip, diwa, puso at kaluluwang gutom at uhaw sa mainit na samahan at kapatiran ng kapwa pari at naging kasama’t kalakbay sa aming seminaryo. Bagama’t paputul-putol ang internet, nakita at narinig natin ang mukha at tinig ng isa’t isa na sadyang nakapagpapataba ng kalooban. Salamat, mahal nating Seminaryo ni San Jose.





Comments