Mga airport personnel, ‘wag hayaang maging adik sa droga
- BULGAR

- Aug 19
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 19, 2025

Nakakabahalang malaman na sa araw-araw natin na umaasa sa mga air transport sa tuwing maglalakbay at mga kalakalan, may mga kawani nito na nalalantad at sangkot sa droga.
May lumabas kasing report na anim na tauhan mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang nagpositibo sa sa illegal drugs. Ito ay isang seryosong banta sa kaligtasan at tiwala ng publiko.
Sa sektor kung saan isang maling hakbang lang ay maaaring magdulot ng trahedya, ang presensya ng droga sa loob mismo ng ahensyang tagapangalaga ng kaligtasan sa himpapawid ay hindi dapat balewalain. Paliwanag naman ng CAAP, isinagawa ang random drug testing sa 14 airports na kanilang pinangangasiwaan mula Pebrero hanggang Agosto 2025. Sa kabuuang 1,703 empleyado, anim ang nagpositibo sa droga.
Ayon sa nasabing aviation, ang mga nahuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ay agad na tinanggal sa serbisyo bilang pagpapatupad ng zero tolerance policy laban sa substance abuse. Iginiit din ng CAAP na patuloy silang nakatuon sa pagpapanatili ng ligtas at episyenteng operasyon, gayundin, ipinapatupad ang mas mahigpit na monitoring protocols habang pinapalakas ang pananagutan ng mga tauhan para mapangalagaan ang safety ng mga pasahero at mapanatili ang tiwala ng publiko.
Bahagi anila ng kanilang mandato ang pagsunod sa Philippine Civil Aviation Regulations at mga patakaran ng Civil Service Commission hinggil sa mandatory drug testing para sa mga kawani ng pamahalaan.
Binigyang-diin naman ni Dr. Rolly Bayaban, hepe ng CAAP Flight Surgeon Office, na nakasalalay ang kaligtasan ng buong operasyon sa pisikal at mental na kalusugan ng mga personnel.
Kung tutuusin, dapat maging mas mahigpit ang pamahalaan hindi lang sa CAAP kundi sa lahat ng public at private transportation. Hindi sapat ang random drug testing kung hindi masusundan ng masinsinang psychological evaluation, counseling, at long-term monitoring, gayundin, rehab at marami pang iba sa kanilang mga tauhan.
Ang pagsibak sa anim na tauhan ng air transports ay mabuting hakbang, subalit kailangang magsilbing aral ito na kahit isang pagkukulang lamang ay maaaring maging sanhi ng matinding trahedya at kapahamakan.
Ang laban kontra-droga ay hindi lang tungkol sa law enforcement kundi tuluyang pag-iwas sa masamang bisyo, pagpapatibay ng kultura ng pananagutan, at hindi pagbibigay ng puwang ng kapabayaan.
Kung nais din ng kinauukulang mapanatili ang tiwala ng taumbayan, dapat nilang ipakita na ang kaligtasan ng publiko ang una sa lahat, pagpapairal ng mahigpit na batas upang labanan ang droga, at hindi hahayaan na malagay ang buhay ng bawat mamamayan sa kapahamakan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments