top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga abogadong kahanga-hanga, mga abogadong kahiya-hiya

BULGAR
Sep 18, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 18, 2021


Meron pa bang matinong abogado, piskal, hukom at Korte Suprema?


Hindi natin ito masasagot -- kayo na ang mag-isip, magsiyasat, manuri at magtanung-tanong.


Sa mahabang panahon ng ating pagbabantay sa pamahalaan at lipunan, marami-rami na rin tayong nakilalang matitinong abogado na kahanga-hanga ang pagtatanggol sa maliliit at walang tinig laban sa malalaki at makapangyarihan sa lipunan. Maalala ng lahat ang napaka-gandang sinabi ni Pangulong Ramon Magsaysay: “I believe that he who has less in life should have more in law.” Hindi abogado si Magsaysay. Siya’y inhinyero, pulitiko at manunulat. At nakilala siya sa maikling paglilingkod nitong kampeon ng mga masa. Malinaw sa pahayag ni Magsaysay kung ano ang pinakamahalaga para sa kanya.


Alam nito kung paanong palaging naaargabiyado ang maliliit at mahihirap. Hirap na sila sa buhay, hirap pa rin sila sa harap ng batas. Napakadaling makasuhan at makulong, at sa maraming pagkakataon, mahatulan at mabitay pa. Magkakaiba ang nagiging pagtrato sa mayayaman. Malinaw na may sala at kaliwa’t kanan ang ebidensiya, ngunit malulusutan pa ang ang makatarungang paghatol ng hurado. Bakit? Dahil mayaman at maraming koneksiyon ang nasasakdal. Ngunit, maaari ring mangyari sa mga kilalang personalidad na walang kasalanan ang masakdal, makasuhan at makulong kahit walang malinaw na batayan, “no probable cause” ang kanilang mga kaso. Tingnan natin ang nangyari kay CJ Ma. Lourdes Sereno at patuloy na nangyayari kay Sen. Leila de Lima.


Kung tutuuisin sa paghahanda lamang at pagsasanay bilang mga abogado para sa maayos at mainam na pagunawa, paggamit at pagtatanggol sa batas, dapat wala nang anumang pag-aalinlangan ang sinuman sa kakayanan at integridad ng mga abogado. Subalit, iba ang takbo ng buhay hindi lang para sa abogado kundi sa anumang propesyon kapag kailangan ng makilahok at kumilos sa mundo o lipunan. Hindi ligtas at protektado ang sinuman sa sari-saring “virus” na maaaring sumira sa mismong puso o kaluluwa ng naturang propesyon. Hindi malayong matukso ang mga doktor, inhinyero, abogado, pari, guro, pulis, sundalo, lingkod-bayan (mga pulitiko), atbp na ipagbili ang kanilang kaluluwa.


Maraming abogado sa gabinete ng Pangulo. Abogado ang kanyang mga tagapagsalita. Ang isa nga sa kanyang abogado ay nangangahas pang makasama sa International Law Commission. Mabilis na tinutulan ito ng mga kasapi ng UP Executive Committee at ng Executive Committee ng UP Integrated School kung nasaan nag-aral ang naturang abogado. Nagreklamo ito na pinupulitika lamang ang kanyang nominasyon sa ILC. Ayon sa abagadong tagapagsalita ng Pangulo, mababaw na pagtutol ito dahil batay lamang ito sa nagkakaibang pananaw sa pulitika.


Ganun din ang isa pang abogado na nagsabing walang mangyayari sa desisyon ng International Criminal Court na imbestigahan ang mga kaso ng Pangulo na lumalabag sa karapatang-pantao, partikular na ang libu-libong naganap na Extra-Judicial Killings mula pa nang Mayor ito ng Davao hanggang 2019. Hindi ito uusad dahil hindi susuportahan ng pamahalaan ang imbestigasyon ng ICC. Paano sila makakakuha ng anumang ebidensiya kung walang pagsangayon ang pamahalaan sa kanilang imbestigasyon?


Nakalulungkot makita kung paano lumubog sa putikan ng kompromiso ang mga kilalang abogado. Madalas pa ring mabanggit ang salitang “delicadeza.” Ayon kay Sara Duterte, hindi raw na lang siya tatakbo para sa anumang Pambansang posisyon dahil sabi raw ng kanyang ama ay labag ito sa ‘delicadez.’ Kapwa nakalulungkot at nakakatawa ang sarsuwela ng pulitika.


Kung sino pa ang walang karapatang gumamit ng mga salita dahil ang kanilang pagkatao ay kabaliktaran nito, mangangahas pa rin silang gamitin ito.


Para sa mga abogadong kahanga-hanga wala kayong dapat ikabahala. Subalit sa mga abogadong kahiya-hiya magandang basahin ninyo ang Tulang Impiyerno ni Dante Alighieri.


Ayon kay Dante: Ang marami sa mga abogado ay karaniwang napupunta sa sa ikatlong baitang ng impyerno kung saan sila ay makukulong sa loob ng isang nagliliyab at mainit na mainit na kabaong bakal na kakaunti ang kikilusan ganun din ang hanging kailangang-kailangan ng baga.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page