Men's booters, ready na sa 2023 AFC Asian Cup Qualifiers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 6, 2022

Handa na ang Philippine Men’s Football National Team para sa 2023 AFC Asian Cup Qualifiers Round 3 nitong linggo sa Ulaanbaatar, Mongolia. Nakaalis na ang Azkals para sa kanilang unang laban kontra Yemen ngayong Hunyo 8 (Miyerkules) simula 12:30 ng tanghali, oras sa Pilipinas.
Inaasahan na itatalagang kapitan ang beteranong goalkeeper Neil Etheridge sa kanyang pagbalik sa pambansang koponan. Matapos ang kaliwa’t kanang pilay at sakit, lumiban si Etheridge sa dalawang malaking torneo noong 2021 – ang Round 2 noong Hunyo at AFF Suzuki Cup noong Disyembre – subalit naglaro siya sa dalawang FIFA Friendly nitong nakaraang Marso kontra Singapore at Malaysia.
Ito na rin ang ikalawang torneo kasunod ng Suzuki Cup ni forward Bienvenido Maranon matapos maging mamamayan ng Pilipinas noong 2021. Subalit nakatutok ang pansin sa pagbabalik ng Amerikanong si Thomas Dooley bilang head coach ng Azkals.
Si Coach Dooley ang arkitekto ng makasaysayang pagpasok ng Pilipinas sa 2019 AFC Asian Cup sa United Arab Emirates pero sa kasamaang palad, nagtapos ang kanyang kontrata at nagpasya ang Philippine Football Federation na palitan siya ni Sven Goran Erickson. Maliban kay Etheridge at Maranon, tiyak na lahat na pinili ay hihimayin ng mga tagasubaybay ng Azkals.
Tutulungan si Etheridge ng mga kabataang goalkeeper Anthony Pinthus at Kevin Ray Hansen. Mamumuno sa depensa sina Amani Aguinaldo, Simone Rota, Daisuke Sato, Mar Vincent Diano, Dennis Villanueva, Miguel Mendoza at Jefferson Tabinas.
Maliban kay Maranon at Holtmann, ang midfield at mga forward ay bubuuin nina Patrick Reichelt, OJ Porteria, Jesse Curran, Mark Hartmann, Jhan Melliza, Dylan de Bruycker, Sandro Reyes, Kenshiro Daniels, Oliver Bias, Oskari Kekkonen at magkapatid na Manny at Mike Ott. Sa dami ng bituin ay hindi nasama ang tinatayang pinakamaningning sa lahat, si Mr. Football Stephan Schrock.
Pagkatapos ng laban sa Yemen ay haharapin ng Azkals ang host Mongolia sa Hunyo 11 at Palestine sa Hunyo 14 na parehong gaganapin ng 12:30 ng tanghali muli. Laro ngayong Miyerkules – Ulaanbaatar, Mongolia 12:30 PM Pilipinas vs. Yemen.





Comments