Mega oil price hike, hanggang kailan kakayanin ng Pinoy

by Info @Editorial | September 20, 2026

Sampung piso. Ganyan kalaki ang posibleng idagdag sa bawat litro ng diesel sa susunod na linggo.
Umaabot sa P10 hanggang P10.50 kada litro ang tinatayang dagdag sa diesel, habang P4.50 hanggang P5 naman sa gasolina at nasa P7 sa kerosene.
Aray na naman ang jeepney at bus driver. Tatamaan din ang trucker na naghahatid ng pagkain. Tatamaan ang magsasaka at mangingisda. Tataas ang gastos sa logistics at produksyon. At sa bandang huli, ang ordinaryong mamimili ang sasalubong sa dagdag-presyo ng mga bilihin.
Ito ang tunay na mukha ng oil price hike: domino effect sa bulsa ng bawat Pilipino.
Totoong hindi kontrolado ng Pilipinas ang pandaigdigang presyo ng langis. Ang lumalalang tensiyon sa Middle East, problema sa mahahalagang oil routes at iba pang supply disruptions ay nagtutulak pataas sa presyo sa international market. Pero hindi maaaring doon matapos ang paliwanag ng gobyerno.
Kapag P10 ang itinaas ng diesel, hindi sapat ang puro monitoring. Kailangan ng mabilis at konkretong desisyon kung anong tax relief ang kayang ipatupad nang hindi isinasakripisyo ang mahahalagang serbisyo ng gobyerno.
Kailangang tiyaking mabilis na nakararating ang fuel subsidies sa mga kwalipikadong tsuper at iba pang sektor na direktang tinatamaan.
Kailangang bantayan din ang presyo ng pangunahing bilihin upang hindi gawing dahilan ang oil hike para sa hindi makatwirang pagtataas ng presyo.
Hindi dapat naghahanap pa lamang ng pera kapag nasa harap na ng gasolinahan ang problema.



Comments