BSKE postponement: Bonus term sa mga palpak

by Info @Editorial | September 16, 2026

Kung hindi na naman matutuloy ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), isang simpleng tanong ang dapat sagutin: hanggang kailan pahihintulutan ang mga nakaupo na manatili sa puwesto nang hindi muling humaharap sa hatol ng botante?
Hindi maliit na bagay ang pagpapaliban ng eleksyon. Ang bawat postponement ay nangangahulugang pinahahaba ang panunungkulan ng mga opisyal—kasama ang mahusay, ngunit kasama rin ang palpak, pabaya, abusado at matagal nang gustong palitan ng kanilang mga nasasakupan.
Ang barangay ang pinakamalapit na mukha ng gobyerno sa ordinaryong Pilipino. Dito unang lumalapit ang mamamayan para sa tulong, seguridad, at iba pang pangunahing serbisyo. Kung hindi kuntento ang mga residente sa kanilang kapitan o mga kagawad, ang eleksyon ang pinakamalinaw nilang paraan upang sabihin: tama na, iba naman.
Kaya hindi maaaring tratuhin ang BSKE na parang appointment na puwedeng i-reschedule nang i-reschedule.
Kung muling ipagpapaliban ang BSKE, kailangang maipaliwanag nang malinaw sa publiko kung bakit mas mabigat ang mga dahilang iyon kaysa sa karapatan ng mamamayan na regular na pumili at maningil ng kanilang mga lokal na lider.
Hindi dapat bonus term ang postponement, lalo na sa mga palpak na opisyal.
Kung mahusay ang isang barangay official, hayaan siyang patunayan iyon sa balota. Kung sablay siya, hayaan ding magkaroon ng pagkakataon ang mamamayan na palitan siya.



Comments