top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Medical marijuana gagawing legal, nakakabahala

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 11, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 11, 2024


Nakakabahala ang posibleng kaakibat na panganib matapos na aprubahan ng joint House Committees on Dangerous Drugs at Health, ang isang bill para gawing legal ang medikal na paggamit ng cannabis o marijuana.  


Sa isang pagdinig, ang mga naturang komite ay sumang-ayon sa isang substitute measure, na pagsasama-sama ng 10 House bills, na gagawing legal ang paggamit ng medical marijuana. Nanawagan din ang mga ito para sa paglikha ng isang Medical Cannabis Office (MCO) gamit ang paunang pondo na P1 bilyon.


Nilinaw naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng dangerous drugs committee, na hindi nilalayon ng consolidated bill na tanggalin ang cannabis bilang isang mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ngunit upang payagan lamang ang paggamit nito para gamutin partikular ang mga may medical conditions.


Sa kasalukuyan, pinapayagan ng Department of Health (DOH) ang medical use ng cannabis sa ilalim ng compassionate special permit (CSP). 


Pahayag ni Barbers, kapag naging batas na ang panukala, hindi na kakailanganin ang pagpapalabas ng CSP.


Ayon naman kay internal medicine expert Dr. Tony Leachon, ang panukalang medical marijuana o medical cannabis ay tumutukoy sa cannabidiol o CBD, isang non-addictive, non-intoxicating strain ng cannabis o marijuana plant, na iba mula sa tetrahydocannabinol na classified ng Pilipinas bilang ilegal dahil nagdudulot ito ng addiction.


Sinabi ni Leachon, ang mga potensyal na panganib nito sa mga bata at mamamayan dahil sa umano addiction exposure, at maaaring maging hamon ito sa ating healthcare system partikular sa kahinaan sa regulasyon at sa mga ahensyang magpapatupad nito.


Kinwestiyon din ni Leachon na kung ang cannabis ay legal, nagpapadala kaya ito ng mensahe sa mga bata na ligtas itong gamitin. At kung ginagamit ito ng ilang indibidwal para subukan na maibsan ang pananakit ng katawan, makatulog nang mas maayos, o makayanan ang mga sintomas ng isang malubhang karamdaman, ipagpalagay kaya aniya, ng mga kabataan na isa lamang itong uri ng gamot.


Payo ni Leachon, sakaling maisabatas ang paggamit ng medical marijuana ay maging maingat tayo habang iginiit na dapat ang cannabis ay manatiling mahigpit ang pagkontrol bilang mga gamot.


Mas mainam siguro na magkaroon ng mas malalim na mga pag-aaralan at pananaliksik tungkol sa medikal na paggamit ng cannabis o marijuana bilang gamot sa mga may medical condition bago maging ganap na batas. 


Puwede kasing magkaroon ng panganib ito sa mga kababayan na posibleng mabili o makakuha na nito sa mga botika dahil legal na.


Marahil, gusto lamang ng ating mga mambabatas na makatulong at maibsan ang hirap ng iba nating kababayan na dumaranas at iniinda ang malubhang sakit kung saan ang gamot ay ito ngang medical marijuana.


Hiling natin na gawing sumangguni ng kinauukulan sa mga health expert upang maging mas maayos at hindi magkamali sa kalaunan, dahil patuloy na umaasa ang mga mamamayan sa inyong tulong na mapabuti ang kalagayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page