Medical experts, business community, mamamayan at iba pa, sama-sama laban sa COVID-19
- BULGAR

- Aug 19, 2020
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 19, 2020
Sa pagdalo natin kamakailan sa isang pagpupulong kasama ang ilang opisyal ng gobyerno, medical experts at business community, napag-usapan ang mga susunod na hakbang ng bansa tungo sa pagbangon nito mula sa COVID-19. Ikinonsidera natin ang mga opinyon at hinaing ng medical at business sectors para masigurong tama ang magiging aksiyon ng gobyerno sa mga susunod na araw, linggo at buwan.
Malaking tulong ang suhestiyon ng medical at business communities dahil sila ang mas nakakaalam ng mga isyung pinagdaraanan ng bansa sa usaping medikal at ekonomiya. Mahalaga ang kanilang papel sa pagsasakatuparan ng mga plano na tutugon sa pangangailangan ng kalusugan ng mga Pilipino at ekonomiya ng bansa ngayong panahon na may pandemya.
Hindi tumitigil ang gobyerno sa paggawa ng mga estratehiya para labanan ang COVID-19. Sa katunayan, matapos ang Bayanihan Act 1, isusunod nating ipatutupad ang Bayanihan Act 2 na ang pokus ay pagbangon natin mula sa krisis.
Patuloy din ang pagbibigay ng social amelioration at iba pang assistance sa mga nangangailangan nito. Gumagawa rin tayo ng paraan upang mabigyan ng stipend at karagdagang benepisyo ang ating health care workers na maaaring maisama sa Bayanihan 2.
Maliban dito, may mga naipasa rin tayong mga batas na tutugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa kasalukuyang pandemya. Nariyan ang Malasakit Centers Act of 2019 at mga local hospital bills na nagpapalawig sa kakayahan ng mga ospital sa iba’t ibang parte ng bansa.
Isinulong din natin ang mga panukalang magpapalakas sa ating healthcare system. Nariyan ang pagpapatayo ng quarantine facilities, pagpapalakas ng disease surveillance system, pagtatatag ng medical reserve corps at maraming pang iba.
Gayundin, ang E-Governance bill para maipatupad na ang pag-digitalize ng mga proseso ng gobyerno, lalo na ngayon kung kailan napapanahon ang physical distancing.
Hinihiling natin sa ating mga kababayan ang patuloy na kooperasyon at malasakit sa isa’t isa sa panahong ito ng pandemya. Sana ay mamayani sa atin ang pagtutulungan at pagkakaisa bilang mga Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments