top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Media at mamamayan, joint forces vs. fake news

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 18, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 18, 2023


Inilunsad kamakailan ng mga mamamahayag at iba’t ibang stakeholders ang isang media-citizen council sa Iloilo na layong suportahan ang mga journalists at vloggers sa tinatawag na content creation at sa paglaban sa disinformation.


Ayon kay Francis Allan Angelo, interim chairperson ng Iloilo Media-Citizen Council at editor-in-chief ng Iloilo City-based Daily Guardian, ang mga vloggers ay bahagi ng council at silang tumulong sa paggawa ng Western Visayas Journalists’ Guide na nakatakdang i-release sa loob ng isang buwan.


Sinabi naman ni Janvic Mateo, nagtuturo ng Journalism sa University of the Philippines Diliman, na mahalaga ang pagkakaroon ng media-citizen council para matulungan ang mga local journalists at mga komunidad sa paglaban sa kumakalat na disinformation o fake news.


Paliwanag din nito na ang council ay matutulungan silang gumawa o bumuo ng sarili nilang hakbang sa pagharap sa naturang usapin.


Pahayag pa ni Mateo na isa ring correspondent, kinikilala nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng media at ng mga mamamayan, at tinitiyak nila na ang impormasyong kanilang nakikita, kapwa online at traditional platforms ay talagang ginagamit o ibinabahagi nang tama, wasto sa ating general audience.


Aniya, ang mga kinatawan mula sa Commission on Human Rights (CHR), Integrated Bar of the Philippines (IBP), academe, business, simbahan, ang LGTBQ, at ang mga youth sectors ay bahagi ng media-citizen council.


Binanggit naman ni Angelo na ang nabuong Western Visayas Journalists’ Guide ay makadaragdag sa kaukulang mga newsroom policies ng bawat news organizations sa Iloilo.


Ayon pa kay Angelo, ang pagsasama ng mga vloggers at iba pang content creators sa talakayan ay maaaring makatulong sa kanilang sektor habang maipapakita pa kung anong pinakamahusay na mga media practices ang maaari nilang ma-adapt.


Malaki ang maitutulong sa mga journalists at vloggers ng binuong media council.


May susuporta sa kanila sa pagbibigay ng tama at makatotohanang pagbabalita sa mga mamamayan, maging ito man ay sa online o tradisyunal na pamamahayag.


At dahil kabilang sa naturang konseho ang mga abogado, mas magkakaroon ang mga mamamahayag at vloggers ng malalim na pang-unawa sa mga umiiral na batas at kung paano mapoprotektahan ang kanilang sarili laban sa anumang masasagupang asunto.


Hiling lang natin na mas palawigin ang pagkakaroon ng ganitong klase ng programa, na hindi lamang para sa mga local journalists at vloggers kundi sa kabuuan ng media.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page