top of page
Search
  • BULGAR

Med student, kahit wala pang lisensya, puwedeng tumulong sa health emergency ng bansa

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 17, 2022


Noong Lunes, Agosto 15, 2022, pinangunahan natin ang organizational meeting at briefing ng Committee on Health and Demography bilang Chairman ng nasabing committee sa ating 19th Congress ngayon. Dinaluhan ito ng ating mga health officials at iba pang stakeholders.


Noong unang dumating ang pandemya sa ating bansa, nahirapan ang healthcare system na ilang dekadang napabayaan. Wala tayong masyadong alam noon sa bagong kalabang hindi naman nakikita—ang COVID-19.


Pero imbes hayaan lang na tuluyang bumagsak ang healthcare system at mamatay ang marami nating kababayan na hindi man lang natingnan ng mga doktor, naghanap tayo ng mga solusyon. Dahil sa bawat minutong lumilipas noon, buhay ng mga Pilipino ang nalalagay sa panganib, gumawa agad tayo ng mga agarang aksyon.


Kaya sa kasalukuyang 19th Congress, pinag-usapan nating muli ang pangkalahatang sitwasyon ng kalusugan sa bansa lalo pa at patuloy tayong nakikipaglaban sa pandemya at iba pang banta sa kalusugan, kasama na riyan ang monkeypox, dengue, langya virus at iba pa.


Tinalakay natin ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaan upang tuluyang makontina ang COVID-19. Sa mga nakalipas na araw ay nakapagtatala pa rin ng mahigit 4,000 bagong kaso. Kailangan nating makatiyak na ginagawa ang mga nararapat na hakbang para maiwasan ang patuloy na paglaganap ng virus lalo pa at magbabalik na ang ating mga estudyante sa kanilang face-to-face classes.


Napag-usapan din ang napaulat na nasayang na mga bakuna, na binanggit ni Sen. Risa Hontiveros sa kanyang isinumiteng Senate Resolution 92. Naging matagumpay tayo sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna, pero kailangang maging agresibo rin tayo sa pagbabakuna lalo na sa mga lugar na kakaunti ang bilang ng mga bakunado para matiyak na walang bakunang masasayang.


Nababahala rin tayo dahil naiulat sa ilang talaan na 15% lamang ng mga bakunado ang nagpapa-booster. Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamababang booster rate sa buong Asya. Kailangan itong maisaayos dahil ang proteksyon ng bakuna ang tanging solusyon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay.


Tinalakay rin ang banta ng monkeypox, na hindi ito dapat balewalain dahil may napaulat nang kaso sa ating bansa. Nauna rito, ako at ang aking kapwa mambabatas na si Sen. Robinhood Padilla ay nagsumite ng panukalang Senate Resolution 85, na nag-aatas sa Committee on Health and Demography na magsagawa ng inquiry sa ginagawang paghahanda ng ating bansa para makontina ang monkeypox, na idineklara ng World Health Organization na isang “public health emergency of international concern”.


Kabilang din sa dapat tugunan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue. Batay sa ulat ng DOH, nakapagtala na ang Pilipinas ng 92,343 kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Hulyo 23. Ang bilang na ito ay 118 porsyentong mas mataas kumpara sa mga naiulat na kaso sa katulad na panahon noong 2021.


Pinakaimportante sa atin ang kaligtasan at kalusugan ng bawat Pilipino, at bilang Chair ng Senate Committee on Health, tinitiyak ko na ang mga pagsisikap ng komite ay naaayon sa mga prayoridad na panukalang batas ng kasalukuyang administrasyon.


Sa katunayan, tumutugma ang karamihan sa ating 20 na prayoridad na panukalang batas na nakasumite sa Senado, tulad ng paglikha sa Philippine Center for Disease Control and Prevention at ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines—sa mga binanggit naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang unang SONA.


Isa rin sa nabanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ay ang pagbuo ng Medical Reserve Corps. Suportado ko rin ito dahil noong 2020 ay isinumite natin ang Senate Bill No. 1451, o ang “Medical Reserve Corps Act of 2020,” na naglalayong ang mga nagtapos ng kursong may kinalaman sa medisina pero hindi pa lisensyado ay maaaring tumulong sa pamahalaan sa pagtugon sa health emergencies.


Samantala, ipagpapatuloy rin natin ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa buong bansa, na kailangang-kailangan, lalo na sa malalayong komunidad. Ang Super Health Centers ay improved version ng rural health center na ang serbisyong ipagkakaloob at mga pasilidad ay kahalintulad ng modernong ospital sa urban areas.


Bahagi rin ng aking tungkulin bilang senador ang subaybayan ang patuloy na implementasyon ng Malasakit Centers Act at makapagpatayo ng marami pang Malasakit Centers sa buong bansa. Napakalaking tulong nito sa mahihirap na kababayan dahil madaling nalalapitan kapag kailangan nila ng tulong medikal at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.


Bago pa man nagkaroon ng pandemya ay naakda at naisponsoran natin ito at tuluyang naging batas. Sa ngayon ay mahigit tatlong milyong kababayan na natin ang napagkalooban ng tulong ng 151 Malasakit Center sa iba’t ibang parte ng ating bansa.


At dahil sinisikap ng pamahalaan na manatiling ligtas at protektado ang kalusugan ng ating mga kababayan, umaapela tayo na samantalahin ang isinasagawang vaccine rollout at patuloy na sumunod sa ipinatutupad na health protocols.


Mas malaki ang tsansa natin na tuluyang makontina ang pandemya kung mas maraming kababayan natin ang mababakunahan at mabibigyan ng booster shots. Huwag kayong magpatumpik-tumpik pa dahil ligtas ang bakuna at nakabatay ito sa agham. Ang bakuna ang susi para tuluyan na nating malampasan ang krisis.


Magtulungan tao sa pagresolba sa ating problema at krisis na kinahaharap, para tuluyan na tayong makabangon tungo sa sama-samang pag-unlad. Proteksyunan natin ang buhay ng bawat Pilipino!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page