MECQ sa Metro Manila, ‘pag ‘di binawi, marami ang mamamatay sa gutom kaysa sa COVID-19!
- BULGAR

- Aug 13, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 13, 2020
Kamakailan, naitala ang pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa loob lamang ng isang araw kung saan umabot ito sa 6,958 COVID-19 cases.
Kasunod nito ay umabot na sa mahigit 130-K ang kabuuang bilang COVID-19 cases sa bansa. Isang linggo nang nakasailalim sa MECQ ang Metro Manila at iba pang karatig lugar. Pero ang tanong lamang natin, may datos na ba ang DOH para makita kung nakatutulong nga ba talaga ang MECQ?
Samantala, bago pa ang nasabing pinakamataas na kaso, inihiyaga ni Defense Sec. Lorenzana, na handa na ang NCR na muling ibalik sa GCQ, batay umano sa pababang bilang ng mga kaso mula Aug. 2. Pero sa taas ng bilang nitong Lunes, baka magbago ang kanyang pananaw?
Bagama’t may ilang mga mambabatas ang nais palawigin pa ang MECQ ng dalawang linggo, naniniwala ang kalihim na hindi na kaya ng NCR na mapalawig pa ang MECQ ng dalawang linggo sapagkat bagsak na talaga ang ekonomiya. Hirit nito, marami ang mamamatay sa gutom kaysa sa COVID-19.
Sa kabila nito, wala namang argumento na bagsak na ang ekonomiya hindi lang sa NCR, kundi sa buong bansa. Ayon sa Palasyo, ang IATF ang magpapasya kung ano ang mabuting gawin pagsapit ng Aug. 18.
Siguradong titingnan kung ang bilang ng mga kaso ay patuloy pang tumataas. Anuman ang maging desisyon ng IATF, walang magagawa ang mamamayan kundi sumunod. Asahan na lang natin na itong susunod na linggong MECQ ay bumamaba na nang husto ang bilang.
***
Nag-medical leave na si PhilHealth President Ricardo Morales, na ayon sa payo ng kanyang doktor. May lymphoma diumano si Morales na nadiskubre nitong taon at kailangan niyang sumailalim sa chemotherapy.
Ayon pa sa mga doktor, bababa raw ang resistensiya ni Morales dahil sa chemo. Ayaw sana ni Morales mag-leave dahil sa isyung nagaganap sa ahensiya, at maaantala pa lalo umano ang IT system na itinutulak niya para maging maayos ang sistema ng identification ng mga miyembro. Pero ang IT system, ang isa sa mga sinsabing may anomalya at napakamahal ang presyong ibinigay ng PhilHealth para rito. Isa ito sa iniimbestigahan ng Senado ngayon.
May balita na magpapasaya si Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang gagawin sa mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian. Dapat lang. Hindi lang “whiff of corruption”, kundi umaalingasaw na! Mabigat din umano ang testimonya ng bagong testigo ng Senado. Abangan na lang natin ang mga susunod na rebelasyon.





Comments