Measles outbreak, posible next year – DOH
ni Lolet Abania | October 4, 2022

Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa posibleng magkaroon ng measles outbreak sa susunod na taon dahil ito sa mababang kumpletong immunization coverage sa mga kabataan.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, nakipagpulong na sila sa World Health Organization (WHO) at UNICEF, at nabatid na ang bilang ng mga kabataan sa bansa na madaling kapitan ng measles ay tinatayang tatlong milyon.
“Lahat po ng mga bata naman na hindi naka-receive ng kahit na anong doses ng measles vaccine, kasi dalawang beses po ‘yan binibigay sa ating mga kabataan, ay nasa almost 3 million na mga kabataan,” pahayag ni Vergeire sa isang press conference ngayong Martes.
“Kaya po nagfa-flag at nagwa-warn po ang WHO at UNICEF sa atin na kailangan nating paigtingin ang routine immunization because there might be an impending outbreak of measles in the country by next year if we are not going to do anything,” sabi ng opisyal.
Sinabi naman ni Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) President Dr. Jose Rene de Grano nitong Lunes, na ang mga kaso ng measles, gayundin ang typhoid fever, ay tumataas sa panahon ng third quarter ng taon.
Para i-address ang isyu, sinabi ni Vergeire na nagpulong na ang DOH kasama ang kanilang implementing units para palakasin ang routine immunization sa bansa.
“‘Yung measles vaccine, ito po ‘yung pinakahuli na antigen or ‘yung bakuna na binibigay sa mga bata para masabi nating fully immunized child siya. So with this, mababa,” sabi ni Vergeire.
“Ang atin pong pool of susceptible na mga bata na wala pang kahit isang mga bakuna or zero dose pa lang sila dito sa ating bansa for these past two years of the pandemic, is almost 1 million,” aniya pa.
Ayon pa kay Vergeire, mayroon lamang 62.9% fully immunized na mga bata sa bansa, kung saan malayo pa ito sa target ng gobyerno na 95%.
Iniuugnay naman ng kalihim ang mababang routine immunization coverage sa bansa sa pagiging vaccine hesitant ng mga magulang at ang mga COVID-19 lockdowns, kung saan napipigilan sila na pabakunahan ang kanilang mga anak.





Comments