Mayor sa Batangas at 2 utol, arestado sa ilegal na armas, pampasabog
- BULGAR

- Jun 18, 2023
- 2 min read
ni Mai Ancheta | June 18, 2023

Tiklo ang alkalde ng Mabini, Batangas at dalawang kapatid nito sa magkakahiwalay na operasyon dahil sa pag-iingat umano ng mga armas at mga pampasabog.
Inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Mayor Nilo Villanueva sa kanyang bahay sa Bgy. Sto. Tomas, Mabini, Batangas nitong Sabado ng madaling-araw sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Antipolo City RTC Branch 74 Executive Judge Mary Josephine Lazaro.
Nasamsam sa bahay ng alkalde ang isang camouflage pouch na naglalaman ng hinihinalang explosive device.
Sumunod na sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng kapatid ni Mayor Villanueva na si Oliver, 46, sa Bgy. Pulong Niogan, Mabini at nakumpiska ang isang caliber 22, isang caliber 45 pistol, 2 piraso ng magazine ng caliber 5.56mm rifle, 3 piraso ng magazine para sa cal. 45 pistol, isang hand grenade, 16 piraso ng mga bala para sa cal. 5.56mm rifle, at 55 piraso ng mga bala sa caliber 45 pistol.
Ikatlong sinalakay alas-5:25 ng madaling-araw ang bahay ni Bayani Villanuena sa Sitio Silangan, Bgy. Sto. Tomas at nasamsam dito ang isang unit ng bushmaster cal. 5.56mm rifle, isang piraso ng magazine para sa cal.5.56mm rifle, 10 bala para sa cal. 5.55mm rifle at isang unit ng MK2 Hand fragmentation grenade.
Nabigo naman ang mga operatiba ng PNP-CIDG na maabutan sa kanyang bahay ang isa pang kapatid ng alkalde na si Ariel Villanueva subalit nasamsam ang isang unit ng bushmaster cal. 5.56mm rifle, isang piraso ng magazine para sa cal. 5.56mm rifle at 10 piraso ng mga bala para sa cal.5.55mm rifle.
Ang operasyon ay bahagi ng Oplan Paglalansag Omega project ng CIDG.
Dinala na si Mayor Villanueva at mga kapatid nito sa Camp Crame sa Quezon City.





Comments