top of page

Mayor na dating mabilis, puyat na puyat dahil naka-tatlong babae kaya sobrang late...

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 1, 2020
  • 2 min read

pinaghintay ang mga reporter, pero kung gaano katagal dumating, sobrang bilis tinapos ang presscon na wa’ ‘wenta naman ang pinagsasabi

ni Chit Luna - @Yari Ka! | September 1, 2020


Taas ang kamay ng mga reporter sa isang babaerong mayor mula sa Cavite nang nagpa-schedule ito ng press conference. Bakit? Dahil pinaghintay lang naman sila nito ng siyam-siyam!


Nakiusap ang PR ni mayor sa mga reporters na dumalo sa press conference dahil mahalaga ang sasabihin ng alkalde. Dahil sa pakiusap, pumayag na dumalo ang mga reporter ng iba’t ibang pahayagan at radio station.


Ang usapan ay alas-8:00 ng umaga, American time. At dahil interesadong malaman kung ano ang sasabihin, ‘yung mga reporter na nasa malayong probinsiya, alas-4:00 pa lang ng umaga ay pumulas na papunta sa bahay ng alkalde.


Sa madaling salita, napuno na ng mga reporter ang receiving room ng alkalde, alas-7:00 pa lang ng umaga. Halos lahat, nagkape lang dahil sa pagmamadali.


Pero alas-8:00 na ng umaga, wala pa si mayor!


Ang dahilan ng kanyang alalay, “Napuyat si Mayor.” Inusisa ng isang tsikadorang reporter ang alalay kung bakit napuyat ang alkalde, “Tatlong chicks ba naman ang idineyt sa iba’t ibang lugar, sino ang hindi mapupuyat?”


Certified na matakaw sa chicks ang alkalde. Sa bawat labas niya, sinusulit niya ang oras sa mga batam-batang chikababes, kaya ang resulta ay parang gulay si mayor. Tanghali na, nakabaluktot pa siya. Naloko na!


Nag-announce ang kanyang tauhan, naghahanda lang daw ang alkalde at sisimulan na ang press conference, alas-10:30 na ng umaga!


Nagkukumahog ang mga tauhan niya sa paghahanda ng kakainin ng mga gutom nang mga reporter. Naglabas ng mga pinggan at kutsara sa isang luma at mahabang mesa na walang cover.


Ilang minuto pa, tig-isang planggana ang dala-dala ng tatlong alalay ni mayor.


Inilapag ang malalaking planggana na may laman palang mga ulam. Isinunod ang kanin at sinabihan ang mga reporter, “Kain na po tayo.”


Kahit alam ng mga reporter na ang planggana ay pinaglalabahan ng maruruming damit, wala silang choice dahil nagkukuluan na ang kanilang sikmura.


Pinilahan nila ang nakahaing pagkain na nakalagay sa mga lumang planggana.


Makaraang makakain, pumatak na ang alas-12 ng tanghali. Pero wala pa rin si mayor!


Gusto nang magsipulas ng mga naiinip na reporter. Pero inawat sila ng mga alalay ng alkalde, “May inihanda po para sa inyo si mayor.” Saglit na lang daw at darating na ang alkalde.


Makaraan ang isang oras, lumantad na ang alkalde na pupungas-pungas pa. Binati niya ang mga reporter. At pagkaraan, walang humpay niyang binanatan ang kanyang mga katunggali sa pulitika.


Kung gaano katagal siyang dumating, ganu’n niya tinapos ang kanyang presscon at dali-daling umalis si mayor para muling matulog. Nalokah ang mga reporter!


Pinapila sila sa isang kuwarto at may namimigay pala ng sobre.


Binuksan nila ang sinasabing handa sa kanila ni mayor—tumataginting na P300!


Napailing na lang ang mga reporter na galing pa ng malalayong probinsiya.


Mantakin mong madaling-araw pa silang bumiyahe, walang katorya-torya pala ang sasabihin ng tamad na alkalde at pinalala pa ng pakunswelo de-bobo niyang P300!


Clue: Anak siya ng kilalang pulitiko na naging alkalde at gobernador. Kung gaano kasipag ang ama, ganu’n naman katamad ang anak.


Kaya hindi na umaasa pa ang kanyang mga nasasakupan dahil alam nila, batugan ang kanilang alkalde.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page