Mayayabang na Sen. at Cong., dedma na sa death penalty nang nahuli ang anak ni Boying
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 16, 2022
DAHIL SA BUDGET CUT SA NAPOCOR, MARAMING PINOY ANG MANGANGAPA SA DILIM SA 2023—Nagbabala ang National Power Corporation na posibleng makaranas ng rotation nationwide brownout ang buong bansa sa simula ng July 2023 dahil binawasan ng Department of Budget and Management ng mga senador at kongresista ng P12.536 bilyon ang dating yearly budget nilang P49.749 bilyon.
Kita n'yo ang kalokohan ng mga pulitiko, dagdag sila nang dagdag para sa confidential/intelligence funds at pork barrel, tapos 'yung mga ahensya na nagbibigay ng serbisyo sa mamamayan ay kinakaltasan ng budget.
Kapag pinanindigan ng mga pulitiko ang budget cut sa Napocor, asahang pagsapit ng July 2023, karamihan sa mga Pinoy ay mangangapa na sa dilim.
◘◘◘
AYAW NG MGA TRAPO NA I-EXEMPT ANG 12% VAT SA TINAPAY, ASUKAL AT MANTIKA KASI BAKA MABAWASAN ANG PORK BARREL—Nagsulong ang Makabayan bloc partylist representatives na sina Gabriela Women Rep. Arlene Brosas, ACT Rep. France Castro at Kabataan Rep. Raoul Manuel na ngayong nakararanas ng krisis ang bansa dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay pansamantalang i-exempt muna sa 12% VAT (value added tax) ang mga basic commodities, tulad ng tinapay, asukal at mantika, kaya lang ay tinutulan ito ng mga trapo kasi liliit ang kita ng gobyerno.
Siguro, nangangamba ang mga trapo na mabawasan ang kanilang pork barrel kapag in-exempt sa 12% VAT ang tinapay, asukal at mantika!
◘◘◘
ANG LAKI NG CONFIDENTIAL/INTELLIGENCE FUND NI DIGONG, PERO HINDI NALAMAN NA SANGKOT SA DROGA ANG ANAK NI SEC. BOYING—Ang confidential/intelligence funds ni dating Pres. Duterte noong 2017 ay P2.5-B, noong 2018 ay P2.5-B din, noong 2019 ay P2.5-B din at noong 2020 naging P4.5 bilyon na ito, noong 2021 ay P4.5 bilyon din at para sa nalalabi niyang termino, mula Jan. 2022 hanggang June 2022 ay P4.5 bilyon din.
Mantakin n'yo, sa laki ng kanyang confidential/intelligence funds ay hindi nalaman ng Duterte administration, na ito palang anak ni dating Congressman at ngayon ay Justice Sec. Boying Remulla ay nag-i-import ng droga, at nabulgar lang ito ngayong wala na si Digong sa poder.
◘◘◘
MULA NANG MATIMBOG SA DROGA ANG ANAK NI SEC. BOYING, SEN. AT CONG., PARANG AYAW NA SA DEATH PENALTY—Kapuna-puna, na matapos matimbog sa droga si Juanito Juan Remulla, anak ni Justice Sec. Boying Remulla, na 'yung mga senador at kongresista na nag-a-astig-astigan sa pagsusulong ng death penalty sa mga sangkot sa illegal drugs, lahat sila nagsipagtahimik, ayaw na nilang talakayin ang parusang kamatayan sa mga sangkot sa droga sa bansa, at ang matindi, karamihan sa kanila ay nagpapakita pa ng simpatiya kay Sec. Boying at sa pamilya Remulla.





Comments