May tama ng bala sa mukha, dibdib... Kolektor ng pautang, ibinaon sa lupa

by Mai Ancheta @News | October 11, 2026

Photo: Circulated
Patay na nang matagpuan ang nawawalang 36-anyos na kolektor ng isang lending company sa Brgy. Buntongan, Wao, Lanao del Sur nitong Oktubre 9.
Ang biktima na kinilala ng mga otoridad na si Marvin Daumar ng Valencia, Bukidnon ay ilang araw nang nawawala matapos mangolekta ng pautang sa Brgy. Buntongan.
Sa ginawang follow-up investigation ng mga otoridad ay nakakuha ng impormasyon na inilibing umano ang biktima sa bahagi ng plantasyon ng pinya.
Sa tulong ng mga opisyal ng barangay ay pinuntahan ang lugar at nakita ang mababaw na hukay kung saan inilibing ang biktima at sa pagsusuri ng mga otoridad ay may tama ng baril sa mukha at dibdib.
Batay sa pagtatanong ng mga imbestigador sa mga residente sa lugar, nakarinig umano ang mga ito ng tatlong putok ng baril noong October 5, sa mismong araw na naiulat ang pagkawala ni Daumar subalit hindi sila makalabas para mag-check dahil malakas ang ulan.
Palaisipan pa sa mga imbestigador ang motibo ng krimen at pagkakakilanlan sa salarin o mga salarin.





Comments