May subsidy sa petrolyo, sana sa tubig at kuryente meron din
- BULGAR
- Mar 15, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | March 15, 2022
Dagdag-parusa ang ulat na pagtaas ng taripa ng Philippine Ports Authority (PPA).
Hampas ito sa langaw, latay sa kalabaw.
Isa itong anti-poor.
◘◘◘
BINATIKOS ito mismo ni Dean Dela Paz, professor ng Business, Finance at Mathematics, hindi napapanahon ang pagtaas ng taripa dahil sa oil crisis.
Tinawag namang “economic sabotage” ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang naturang hakbang.
◘◘◘
KAHIT ang NEDA ay naghain ng resolusyon laban sa pagtaas ng taripa dahil magbubunga ito lalo ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Tanong ng mga taga-arrastre: “Ang gobyerno ba ay tumutulong sa mahihirap o siya mismong nagpapahirap?’
◘◘◘
SABI ng isang bisor sa NEDA na tumangging magpabanggit ng pangalan, “Bumabaho ang imahe ng opisina namin at ng gobyerno dahil sa mga aksyon ng PPA… manhid sa mamamayan.”
Pero ikinatwiran ni PPA chief Atty. Jay Santiago, “Noong 2013 pa nang huling nag-adjust ng tariff rates ang PPA.”
◘◘◘
Sinopla ito ni Dela Paz sa kanyang analysis: “Paper napkin math on the foregoing reveals (that)… CPI (Consumer Price Index) could not have been the impetus given the lowest reported increase was 240%."
◘◘◘
Ang CPI ay talaan ng mga piling produkto at ng kanilang presyo sa merkado na ginagamit ng gobyerno at mga negosyo bilang pamantayan ng pagbaba o pagtaas ng mga bilihin.
Sana’y pigilin ni Digong ang PPA sa kabulastugang ito.
◘◘◘
WALANG masulingan ang ordinaryong tao.
Hindi kakasya ang suweldo sa mataas na presyo at mataas na singil sa utilities.
◘◘◘
KUNG may subsidy sa petrolyo, hindi ba puwedeng mayroon din subsidy sa konsumo ng elektrisidad at tubig?
Hindi rin ba puwedeng magbaba ng tuition ang mga private schools?
◘◘◘
WALANG kongkretong programa ang gobyerno para saklolohan ang mga nagdarahop.
Dapat ay magkaroon ng feeding center sa lahat ng mga nagugutom.
◘◘◘
NAUUNAWAAN na ngayon ng ilang kritiko ang posisyon ni Vladimir Putin.
Walang sundalong Ruso sa labas ng Russia pero ang US troops nakapasok sa iba’t ibang bansa.
Aling bansa ang mananakop — Russia o US?
◘◘◘
MAY krisis sa loob ng Russia.
Pero mayroon ding krisis sa buong daigdig.








Comments