top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

May nagbabadyang sardinas shortage

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 24, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 24, 2023


IBASURA SA 2025 ELECTIONS ANG MGA CONG. NA PAPABOR SA BUDGET CUT SA MGA SUCs -- Nagsulong ng resolusyon sa House of Representatives si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na pagkaisahan ng mga kongresista na huwag tapyasan o huwag bawasan ng P6.155 billion ang budget para sa free college education sa mga State Universities and Colleges (SUCs).


Sana, suportahan ito ng lahat ng mambabatas, at kung sakaling hindi ito suportahan ng majority congressmen, ay dapat ibasura ng mga kabataang college students sa 2025 elections ang mga cong. na pumabor sa budget cut sa mga SUCs, period!


◘◘◘


KAPAG TINUPAD NG MGA SARDINES MANUFACTURERS ANG BAWAS PRODUKSYON TIYAK MARAMING MAGIGING JOBLESS AT MAGKAKA-SARDINES SHORTAGE PA -- Tinabla ng mga manufacturers ng sardinas ang utos ni Dept. of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual na price freeze o wala munang taas-presyo sa mga basic necessities and prime commodities (BNPCs), kasi ayon kay Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) Executive Director Francisco Buencamino ay dapat ipatupad ng DTI ang hiling nilang P3 dagdag-presyo sa kada lata ng sardinas, dahil kung hindi raw ipapatupad ito ay malulugi sila at aabot sa puntong maoobliga silang magbawas ng produksyon upang hindi malugi.


Dapat magkaroon ng “win-win solution” sa isyung ito ang DTI at CSAP kasi kung magmamatigasan sila at tinupad nito (CSAP) ang bawas-produksyon ay tiyak maraming Pinoy ang mawawalan ng trabaho, at tiyak magkaka-sardines shortage pa, tsk!


◘◘◘


BUTI PA ANG DOJ SA PANAHON NG MARCOS ADMIN MAY “BALLS” BANGGAIN ANG CHINA, PERO ANG DOJ SA DUTERTE ADMIN ‘NGANGA’ LANG SA PANANALBAHE NG CHINESE MILITIA SA WPS -- Inirekomenda ni Sec. Crispin Remulla ng Dept. of Justice (DOJ) kay Executive Sec. Lucas Bersamin na sampahan ng mga kaukulang kaso ang China dahil sa pagsira sa kalikasan at pagkawala ng mga corals sa Rozul Reef na sakop ng West Philippine Sea (WPS), na ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ay mga Chinese militia raw ang may gawa nito.


Buti pa ang DOJ ngayon sa panahon ng Marcos administration ay may “balls” na magpakita ng tapang vs. China, pero sa panahon ng Duterte admin, ang DOJ noon ay “nganga” lang sa mga kasalbahehang pinaggagawa ng mga Chinese militia sa dagat ng ‘Pinas, boom!


◘◘◘


MGA MARALITA TINATAMAAN SA TAAS-PRESYO NG BILIHIN AT BAYARIN KAYA’T DAPAT DAGDAGAN ANG BUDGET NG 4Ps -- Hiniling ni Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kongreso na dagdagan ang budget para sa mga mahihirap na Pinoy na kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).


Dapat lang talagang dagdagan at bilis-bilisan ang budget para sa mahihirap na Pinoy kasi sa totoo lang ay silang mga maralita ang labis na tinatamaan sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa, period!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page