May mga ‘pitik’ daw kaya uminom ng gamot… ZEINAB, NAGPA-PSYCHOTHERAPY DAHIL SA DEPRESYON
- BULGAR
- Apr 1
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | Apr. 1, 2025

Photo: Zeinab Harake - Instagram
Dumaan pala sa matinding depresyon si Zeinab Harake nu’ng 2022-2023 kung saan nagdesisyon siyang sumailalim sa psychotherapy at medications.
Sa press conference ng OK2B Empowered Together, Women's Month VIP Event By OKBet kung saan isa si Zeinab sa mga ambassadors, inamin nito na nakaramdam siya na may mga pagkakataon na pumipitik siya kaya napagdesisyunan niyang magpagamot.
Ayon nga sa sikat na content creator, ito ang panahon na marami siyang pinagdaraanan at kabi-kabila ang mga pamba-bash sa kanya na nakaapekto nang malaki sa mental at emotional health niya.
Ipinagpapasalamat na nga lang niya na nu’ng panahon na ito ay dumating sa buhay niya ang fiancé na si Bobby Ray Parks, Jr. na nu’ng una nga ay iniiwasan niya dahil pakiramdam niya ay hindi pa siya handang pumasok sa isang panibagong relasyon at alam niya na may iniinda siyang sakit na hindi dulot ng ibang tao kundi nanggagaling sa sarili niya.
Pagbabahagi pa ni Zeinab, nag-exert ng extra effort para makapasok sa buhay niya si Ray at ipinagpapasalamat niya ito dahil ang fiancé ang naging daan para maging mas malapit siya sa Diyos.
Siniguro rin niya sa fiancé na hindi niya ito ginamit o ginawang rebound lang, kundi minahal niya talaga ito nang totoo.
Masaya si Zeinab na nalagpasan na niya ang nasabing mental health problem na wala siyang idinamay na ibang tao at nagawa niya ang parte niya sa kanilang pamilya. Sa ngayon nga ay hindi na siya umiinom ng gamot.
Kinumpirma rin ng content creator/vlogger na ngayong taon magaganap ang kasal nila ni Ray at isa itong outdoor Christian wedding, kung saan ang gusto nina Zeinab at Ray ay magbigay-puri sa Panginoon na siyang sentro ng kanilang relasyon.
Gusto rin sana nilang gawin ito abroad pero pinili na lang nila sa bansa dahil nahihirapan siyang ilipad ang mga anak.
Nagkaroon na rin sila ng mga prenup shoot kung saan lahat ng konsepto ay galing mismo kay Zeinab.
Hindi naman magiging pribado ang kasal gaya ng ginawa ng ibang showbiz couples. Ayon kay Zeinab ay hindi ito gagawing pribado pero hihingi lang siya ng private time dahil mayroon siyang binabalak.
Bumili na nga sila ng phone na pang-sim blocked dahil ang gusto nina Zeinab ay lahat ng mga larawan at videos ay manggaling sa kanila at sila ang mag-e-edit.
Nagkaroon na kasi ng karanasan ang vlogger na nu’ng prenup ay inilabas ng isa nilang supplier ang ilang larawan, kung kaya’t umiyak siya at nataranta.
Ayaw na itong maulit muli ni Zeinab kung kaya’t hands-on siya sa kanyang video team.
Pakiusap lang ng vlogger ay labas muna ang social media sa araw ng kanyang kasal at ang mahalaga lang ay ang presensiya ng mga taong totoong nagmamahal sa kanila.
Samantala, isa sa mga umagaw-pansin sa nakaraang Bench Body of Work ay ang ginawang pagrampa ni Zeinab habang nagba-baton twirling, isang pangarap na natupad dahil bata pa lang pala si Zeinab ay dream na talaga niyang rumampa.
Bench ang nag-suggest na mag-baton twirling siya pero na-disappoint nga lang siya nu’ng ‘di niya nasalo ‘yung baton.
Pinaliwanagan lang siya ng fiancé na hindi dapat malungkot sa nangyari. Dapat pala ay kasama si Ray na rarampa nang gabing iyon pero natiyempo na may laro ito sa labas ng bansa.
BUKAS ang puso para magpatawad pero isinasarado na ni Jojo Mendrez ang pinto para magkatrabaho silang dalawa muli ni Mark Herras pagkatapos siyang pagbantaan diumano nito na susunugin ang bahay niya.
Ang huling pagkikita nila ni Mark ay du’n sa 38th Star Awards for TV, nagpaalam lang na magsi-CR ang aktor pero iniwanan siya at hindi na bumalik para makasama sanang mag-present ng isang special award sa naturang awards night.
Sa press conference ng Revival King, ramdam namin ang lungkot at sama ng loob nito sa StarStruck alumnus, kaya’t nagdesisyon na ito na tuldukan kung anuman ang kaugnayan nila ni Mark.
Ang tanging hiling na lang niya para sa aktor ay pagbutihan nito ang mga trabahong ipinagkakatiwala sa kanya at matutong mag-ipon, lalo’t may babayaran pa itong bahay sa loob ng mahabang panahon.
Sa ngayon ay mas lumapit ang loob ni Jojo kay Rainier Castillo, na ayon sa una ay may sariling pera dahil may sarili palang negosyo si Rainier bukod pa sa aktibo rin naman ito sa kanyang showbiz career. Huling napanood ang aktor sa seryeng Black Rider (BR) ng GMA-7.
Hindi natin alam kung saan hahantong ang tampuhan na ito nina Mark at Jojo pero ang sigurado lang ay tuluy-tuloy ang singing career ng Revival King, kung saan pagkatapos ng matagumpay na revival niya ng kantang Somewhere In My Past (SIMP) at ng original niyang kanta na Nandito Lang Ako (NLA) na composed ni Jonathan Manalo, nakalinya niyang i-revive ang mga kantang Tamis Ng Unang Halik (TNUH), Pare, Mahal Mo Raw Ako (PMMRA) na una namang pinasikat ni Michael Pangilinan at I Love You Boy (ILYB) na lalagyan daw niya ng twist.
Comments