May mensahe ang pagdating ng omicron, may mensahe ang pandemya
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 08, 2022
Limang araw na mula nang nakasalamuha ko ang kaibigang tumawag sa akin na siya’y may lagnat at nag-aalalang na baka nadale ng COVID-19. Kababalik ko pa lang noon ng parokya at mabuti na lang, halos wala pa akong nakausap na staff o parukyano.
Mabilis akong naggayak upang umalis at mag-isolate sa ligtas na lugar.
Ayon sa aking kaibigan, kailangang obserbahan ko ang aking sarili sa loob ng limang araw mula nang na-expose ako. Limang araw na ngayon, at wala akong anumang sintomas, tulad ng lagnat, ubo, sipon, sore throat, LBM, pagsusuka, panghihina at iba pa. Ngunit nang makausap ko ang kaibigang doktor, pinayuhan ako nito na obserbahan ko pa ang aking sarili hanggang sa ika-pitong araw mula nang na-expose ako sa pasyenteng positibo sa COVID-19.
Sa awa ng Diyos, sa mga araw na ako ay nag-isolate, hindi ako tumigil ng pagkilos at paggawa–
naglinis ako ng bakuran, nag-gardening at nag-repair ng kung anu-ano.
Ilang araw pa lamang akong nag-self-quarantine nang sunud-sunod ang pagdating ng text message mula sa mga kaibigan na humihingi ng panalangin dahil sila o ang isang mahal sa buhay ay dinapuan ng COVID-19.
Nakausap ko ang kaibigang pari na nagpasyang alagaan at samahan sa ospital ang kanyang nanay na nagpositibo. Isa namang parukyano ang humingi ng panalangin para sa kanyang manugang na babae na nagpositibo rin. At tumawag naman ang seminarista na umuwi ng probinsiya upang makapiling ang pamilya noong holiday season. Aniya, “Meron akong COVID-19, padre. Ang buong pamilya ko ay positibo rin.”
Mataas ang naitalang bilang ng kaso ng COVID-19 noong Huwebes, kung saan 17, 220 bagong kaso na merong 36.9% positivity rate. Samakatwid, mataas at marami ang nahahawa sa COVID-19 sa mga panahong ito. Ayon sa DOH, ang bilang ay batay sa mga kasong naitala mula noong Disyembre 24, 2021 hanggang ika-6 ng Enero, 2022.
Sa sobrang bilis ng impeksiyon, walang sapat na kakayahan ang pamahalaan para ma-test ang lahat ng kaso.
Bagama’t magandang marinig na maaaring palapit na tayo sa dulo o sa katapusan ng pandemya, hindi pa rin dapat magpakumpiyansa. Malinaw na tumaas at dumami ang mga kaso ng impeksiyon dahil sa labis na pagwawalambahala ng marami.
Naalala ko noong nagpositibo ako noong nakaraang taon. Hindi madali ang mag-isolate o mag-self-quarantine, ngunit napakaraming leksiyon ang naituro nito sa akin. Malinaw ang dahilan ng matinding pagkalat ng virus.
Kung babalikan natin ang mga panahon ng matitinding lockdown, na halos walang gumagala o lumalabas dahil bawal, malawakang huminto ang pagkilos ng buong mundo. Hindi lang basta bumagal, kundi huminto ang buong mundo.
Napilitan ang pamahalaan na alagaan at asikasuhin ang mamamayan. Dahil dito, natutunan nating huminto at tingnan ng husto ang sitwasyon, kalagayan at direksiyon ng lahat mula sa buong populasyon, korporasyon – mayaman man o mahirap.
Ito marahil, ang sinasabi ng Omicron sa lahat. Magbalik-tanaw tayong lahat, baguhin ang mga dapat baguhin. Unahin ang tingin sa panahon at buhay.
Hinay-hinay, mga kapatid. Maaari bang balikan natin ang ating mga natutunan, mahinahon at mabagal na pagkilos, buong ingat, buong pag-iisip, buong pakundangang pagtingin at pagpapahalaga sa buhay ng lahat?





Comments