top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

May katarungan ang mahihirap dahil may nagmamalasakit

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 27, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 27, 2021



Miyerkules, ika-24 ng Nobyembre 2021, iginawad ang kauna-unahang Tulip Award for Human Rights sa isang Pinoy, kay Padre Flaviano “Flavie” Villanueva SVD. Mahalaga ang parangal hindi lang para kay Padre Flavie, kundi sa libu-libong mamamayang biktima ng karahasan dulot ng war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.


Naalala natin noong ika-16 ng Agosto, 2017 ng kaladkarin ng tatlong pulis ang binatilyong edad 17 at walang awa itong binaril sa Caloocan City. Mabuti na lang at may CCTV sa barangay hall.


At mula rito, nagmula ang ebidensiyang nagturo sa tatlong pulis na tuluyan nang nalitis at nahatulang makulong ng 40-taon.


Kaugnay nito, nagplano kami ni Padre Flavie na suportahan ang pamilya ni Kian at ilaban ang kaso nito. Gabi-gabi kaming naroroon sa bahay ni Kian. At nang ililibing na ito, ginayakan ni Padre Flavie ang Elf truck at dito isinakay ang kabaong lulan ang bangkay ng pinaslang na binatilyo. Sa bubungan ng truck, sa harapan ng kabaong ni Kian ay makikita ang larawan nitong naka-toga para sa graduation nito mula elementarya.


Nang ilabas ang kabaong ni Kian, at ilulan ito sa ibabaw ng truck, naglabasan ang mga residente sa kabahayan sa dinaanan ng truck. Libu-libong mamamayan ang nakiramay at nagpakita ng suporta sa kawawang biktima ng hindi makatarungang paggamit ng nakamamatay na puwersa upang labanan ang ilegal na droga.


Tuwing merong mababalitaan ni Padre Flavie na pinatay dahil sa ilegal na droga, mabilis siyang tumutugon upang mag-alay ng misa at kausapin ang mga kamag-anak at kapitbahay ng biktima.


At kung mahirap at hindi kayang tustusan ng pamilya ang libing ng biktima, inihahanap din niya ng suporta ang biktima upang mailibing ito nang maayos. Pagkatapos mailibing ang biktima, sisikapin niyang bigyan ng regular na ayuda ang pamilya ng biktima.


Maraming aspeto ang ayuda mula materyal, tulad ng bigas, de-lata, kaunting panggastos at iba pa hanggang sa legal na tulong mula abogado na maigawa ng affidavit ang bawat kaso, hanggang sikolohikal at espirituwal (psycho-spiritual therapy).


Pagkaraan ng mahigit isang taong pagkakalibing, sinimulan na rin ni Padre Flavie na ilabas ang mga bangkay (exhumation) ng mga biktima ng EJK upang ma-cremate ang mga ito at maibigay ang urn sa kani-kanilang pamilya. Tinawag na “paghihilom” ang programang ito ni Padre Flavie.


Mabuti may ganitong programa at naaalalayan ang mga pamilya ng biktima upang ayusin ang kani-kanilang pagkatao at unti-unting hilumin ang epekto ng trauma na dinadala ng mga ito.


At kasabay ng paghihilom na ipinagkakaloob ni Padre Flavie sa mga pamilya ng biktima ng EJK, ipinagpapatuloy naman din niya ang programang sinimulan nito bago pa dumanak ang dugo ng mga biktima ng EJK.


Ito ang Kalinga na sinisikap na tulungan ang mga taong-kalye na tuklasin ang kanilang dangal sa gitna ng kanilang sukdulang karukhaan. Sa kombento ng mga paring SVD (Society of the Divine Word) sa Tayuman, inayos ni Padre Flavie ang isang bahagi nito para merong magagamit na banyo at palikuran ang mga taong-kalye. At dito rin binabahaginan ni Padre Flavie ng pagkain at ating mga lubhang naghihirap na kababayan. At tatanggap din ng katekismo at paghuhubog na personal at espiritwal ang bawat batch ng makikituloy sa Kalinga. Subalit noong isang taon, ipinatigil ng Barangay Captain ang ganitong gawain ni Padre Flavie sa Tayuman. Kaya’t nagpatuloy ang Kalinga sa pagbabahagi ng isang libong food packs, limang beses sa isang linggo (Lunes hanggang Biyernes) sa isang bahagi ng Luneta.


Sa pagtanggap ni Padre Flavie ng Tulip award, nasabi nito, “Wala dapat ganitong award dahil wala dapat EJK sa ating bansa.” Tugon naman ng Ambassador ng Netherlands kay Padre Flavie, “Kaya kayo binigyan ng ganitong award ay para ipagpatuloy ang inyong paglilingkod na merong malalim na pagkalinga at paninindigan.”


Ngunit, kilala natin si Padre Flavie. Meron o walang award ay pareho lang sa kanya.


Magpapatuloy pa rin ito ng kanyang pagkalinga at paghihilom para sa mga kapatid nating nagugutom at nauuhaw sa pagkain, katarungan at kalayaan. Mabuhay at saludo tayo kay Padre Flavie Villanueva SVD.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page