May kapangyarihan na i-regulate — FDA.. Vape Bill, ibasura na
ni Lolet Abania | July 22, 2022

Matapos ang panawagan ng mga doktor at health experts, nakiisa na rin ang Food and Drug Administration (FDA) sa hiling kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na anila, gawing “veto in its entirety” ang kontrobersyal na Vape Bill.
Sa isang liham na ipinadala kay Pangulong Marcos nitong Huwebes, iginiit ng FDA na mayroon itong constitutional mandate upang i-regulate ang mga vapes.
“FDA is the rightful authority, possessing the expertise, competencies, and manpower to develop standards to regulate and monitor novel tobacco products,” pahayag ni FDA officer-in-charge director general Dr. Oscar Gutierrez, Jr. sa nasabing liham.
Binigyang-diin ni Gutierrez ang naging Supreme Court (SC) ruling na nagpapatibay ng kapangyarihan ng FDA para i-regulate ang mga tinatawag na “health products” o iyong mga maaaring magkaroon ng mga epekto sa kalusugan ng mga tao.
Sa ilalim ng Vape Bill, ang regulation ng vapes ay ililipat na sa Department of Trade and Industry (DTI).
“Passing the bill will reverse the significant progress which has been made in former President Rodrigo Duterte’s administration,” saad ni Gutierrez.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga flavored vapes ay hindi pinapayagan, at ang katulad na mga produkto ay maaari lamang ibenta sa indibidwal na above 21-anyos.
Ang Vape Bill ay minana ni Pangulong Marcos mula sa opisina ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naging resulta ng kanilang late transmission sa Office of the President.
Nakatakda namang mag-lapse into law ang nasabing bill sa Hulyo 24.





Comments