May COVID surge man o wala, mag-ingat pa rin!
ni Ryan Sison - @Boses | June 21, 2022
Binigyang-linaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa maituturing na “surge” ang muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang surge ay ang biglaang pagtaas ng mga kaso, ngunit ang nangyayari ngayon sa bansa ay mabagal na pagtaas ng mga kaso at hindi umano matatawag na surge.
Ayon sa opisyal, sa ngayon ay nasa 350 ang COVID-19 infections kada araw at maging ang daily average ng mga bagong kaso sa Metro Manila ay nasa 170 mula sa 102.
Gayundin, nilinaw na sa kabila ng mga naiuulat na severe at critical cases, hindi pa ito ganu’n ka-significant sa kasalukuyan, habang nabatid na admission ng karamihan sa mga health facilities sa bansa wala pa sa 20% ng kapasidad nito.
Ayon sa DOH, ang naturang pagtaas ng COVID-19 infections ay maaaring dulot ng mga bago at mas nakahahawang sub variants ng Omicron, gayundin ang pagtaas ng mobility ng mamamayan at nababawasang immunity ng general population.
Samantala, masusi umanong binabantayan ng ahensya ang tumataas na bilang ng mga hospital utilization sa ilang lugar sa Metro Manila, Calabarzon, at Caraga Administrative Region (CAR).
Maraming dahilan ng pagtaas ng bilang ng hawahan, kaya naman kinakailangan ang kooperasyon ng taumbayan.
At ngayong mas malinaw na wala pang surge na nagaganap, mababawasan ang takot ng publiko. Pero siyempre, ‘di naman ito dahilan para magrelaks tayo.
‘Wag nating hintaying magkatotoo pa ang surge bago tayo matauhan.
Tulad ng paulit-ulit na paalala, kailangang ipagpatuloy ang mga nakasanayang pag-iingat at hangga’t maaari, iwasang magpasaway. Obligasyon nating maging responsible sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments