top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

May bura sa huling habilin

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 4, 2023
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 4, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang lola ko ay kasalukuyang may malubhang karamdaman at bilang isa sa kanyang mga apo na patuloy na kumakalinga sa kanya, nais niya akong pamanahan. Gumawa siya ng sulat o huling habilin na kanya namang nilagdaan at nilagyan ng petsa kaugnay ng mga detalye ng ari-ariang nais niyang ipamana sa akin. Sapagkat, madalian ang mga pangyayari, nagkamali siya ng pagtukoy sa nasabing ari-arian.


Dahil dito, binura na lamang niya ang kanyang pagkakamali at isiningit ang tamang detalye nito.


Nais kong malaman kung mayroon bang bisa ang kanyang sulat upang ako ay makakuha ng mana kung sakaling hindi na siya gumaling sa kanyang karamdaman? –Hailey


Dear Hailey,


Para sa iyong kaalaman, mayroong dalawang uri ng will o huling habilin. Ito ay ang notarial will at ang holographic will. Sa iyong sitwasyon, gumawa ang iyong lola ng isang holographic will. Ang ganitong uri ng will ay sulat kamay lamang at hindi kailangang ipanotaryo upang magkaroon ng bisa.


Kaugnay nito, mayroong mga isinasaad ang batas na kinakailangang sundin upang ang isang holographic will ay magkaroon ng bisa. Ayon sa Artikulo 810 ng Civil Code of the Philippines, Article 810. A person may execute a holographic will which must be entirely written, dated, and signed by the hand of the testator himself. It is subject to no other form, and may be made in or out of the Philippines, and need not be witnessed.


Ayon sa iyong nabanggit, ang holographic will ng iyong lola ay nilagdaan at nilagyan niya ng petsa. Sulat kamay din ito, ngunit hindi malinaw kung ang iyong lola mismo ang sumulat. Alinsunod sa nabanggit na batas, kailangan sulat-kamay mismo ng naghahabilin ang huling habilin. Kung ito ay sulat-kamay ng iyong lola, posibleng mayroong bisa ang kanyang huling habilin dahil nasunod lahat ng mga panuntunang isinaad ng batas.


Gayunman, mayroong depekto ang kanyang huling habilin, sapagkat mayroong bahagi ito na kanyang binura. Base sa Artikulo 814 ng parehong batas, kinakailangang lagdaan ng iyong lola ang bahagi ng kanyang huling habilin na kanyang binura o pinalitan:


Art. 814. In case of any insertion, cancellation, erasure or alteration in a holographic will, the testator must authenticate the same by his full signature.


Samakatuwid, bukod sa naunang binanggit, kinakailangan din munang lagdaan ng iyong lola ang bahagi ng kanyang huling habilin na kanyang binura o pinalitan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page